^

Bansa

Tadeco pagbayarin ng P2-B taun-taon

Rudy Andal - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines - Dapat umanong magbayad sa gobyerno ng P2-bilyon taun-taon ang Tagum Agricultural Development Company, Inc. (TADECO) para sa paggamit ng lupa ng Davao Penal Colony at bilang sosyo ng estado sa bilyun-bilyong pisong pinagbentahan ng saging, ayon sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).

Sinabi ni VACC founding chair Dante Jimenez, dapat rebisahin ang ‘di patas na kasunduan sa pagitan ng TADECO at Bureau of Corrections (Bucor) upang makuha ng pamahalaan ang tamang hati nito sa pakinabang mula 5,308 ektaryang lupain ng Davao Penal Colony.

Sinabi ni Jimenez na lu­ging-lugi ang gobyerno sa kasunduan sa pagpapaupa ng lupain at sa hatian ng tubo na nilagdaan noong May 2003.

Sa ilalim ng 25-year joint venture agreement na magtatapos pa sa 2028, nangako lamang ang Tadeco na magbabayad sa BuCor ng P26.541 milyon bawat taon o upa na umaabot lamang sa P5,000 bawat ektarya.

Itinakda rin ng Tadeco ang parte ng gobyerno mula sa kanilang banana export sa pres­yong P1.3258 bawat kahon o 0.22 percent sa bawat kahon ng saging na may average price na P600 per box. Sa tinatayang taunang benta na 30 million boxes per year, makakakuha lamang ang gobyerno ng P40.584 milyon sa bawat taon kumpara sa taunang kita ng Tadeco na P18 bilyon.

Sinabi ni Jimenez na malinaw na ang kasunduan ay pabor lamang sa Tadeco at masyado nitong sinasamantala ang naturang Davao Penal Colony property mula pa noong 1969. 

Aniya pa, dapat ay nasa P1 bilyon ang nakukuhang renta ng gobyerno at P900 milyon ang kabahagi nito sa tubo kada taon mula sa Tadeco.

Sinabi pa ni Jimenez na sa mga kaparehong developed agricultural lands ay makakakuha ng P200,000 per hec­tare kaya sa kaso ng Tadeco, dapat umanong binabayaran nito ang gobyerno ng P1.061 bilyon bawat taon.

Idinagdag pa niya na ka­rapatan ng gobyerno na magkaroon ng mas malaking kabahagi sa kinikita ng Tadeco. Naniniwala rin si Jimenez na ang parehas na parte ng gobyerno ay dapat nasa 5% o P900 milyon bawat taon batay na rin sa tinatayang annual sales ng Tadeco na P18 billion.

Sinabi pa ni Jimenez na matagal nang nakabawi ang Tadeco sa naging investments nito sa naturang banana plantation matapos ang halos limang dekada ng kanilang operasyon kaya makataru­ngan lamang na bigyan nito ng tamang kabahagi o parte ang gobyerno.

vuukle comment

TADECO PAGBAYARIN

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with