Diether parang burado na sa showbiz
Hindi namin regular na napapanood sa primetime TV series na Magpahanggang Wakas na tinatampukan nina Jericho Rosales, John Estrada at Arci Muñoz pero the few times na ito’y aming natiyempuhan ay sobra kaming nagagalingan sa acting nina Jericho at John at hindi rin nagpapahuli si Arci.
Nakakatuwa naman ang role ni Gelli de Belen bilang ex-wife ng character ni John na gustong paghigantihan ang mga taong naging sanhi ng paghihiwalay nilang mag-asawa.
Ang nakakatuwa, si John ay ex-husband ng nakatatandang kapatid ni Gelli na si Janice de Belen. Nagkatrabaho din noon sina Janice at mister ni Gelli na si Ariel Rivera sa seryeng Ina, Kapatid, Anak bilang mag-asawa. Ipinapakita lamang nila na pare-pareho silang professional pagdating sa trabaho.
Kung patuloy ang pagiging aktibo ni Jericho sa kanyang showbiz career, marami naman ang nagtataka kung nasaan na ang kapanabayan niyang si Diether Ocampo na tila nawawala ngayon.
Hindi na alam ng publiko kung ano ang pinagkakaabalahan ngayon ni Diet.
Birthday ni Ai kakaiba this year
Lingid sa kaalaman ng marami, sa kabila ng pagiging komedyana ni AiAi delas Alas ay bukal sa puso nito ang patuloy na pananampalataya at sa pagtulong sa simbahan kaya si Bishop Antonio Tobias mismo ang nagpa-nominate kay AiAi (Martina Eileen delas Alas sa tunay na buhay) na ito’y magawaran ng pinakamataas na Papal Award na magmumula mismo sa Santo Papa sa Vatican.
Hinding-hindi makakalimutan ni AiAi ang darating niyang kaarawan dahil kakaibang regalo ang kanyang matatanggap na hindi kayang pantayan ng anumang award na kanyang natanggap na. Tiyak na magiging memorable kay AiAi ang nalalapit niyang kaarawan dahil hindi niya inaasahan ang sorpresa sa kanya ng Panginoong Diyos.
Hindi ikinakaila ni AiAi na marami din umano siyang kasalanan pero gusto niyang itama ang lahat sa pagsisimula na rin sa kanyang sarili.
Naniniwala rin si AiAi na may iba pang plano para sa kanya ang Diyos at susunod lamang daw siya sa kagustuhan Nito. Bukod kay Ai-Ai, tumanggap din ng Papal Award ang music icon na si Ryan Cayabyab dahil din sa marami nitong naiambag sa Simbahang Katolika sa pamamagitan ng kanyang musika.
- Latest