^

PSN Showbiz

Lasenggang celeb wala ring patumangga kung magmura!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Kapag inilagay ang alak sa ulo at hindi sa tiyan ay siguradong gulo at kahihiyan ang nagiging produkto. At dalawang bagay ‘yun. Puwedeng alam ng lasing ang kanyang mga ginagawa pero nagpapanggap lang siyang hindi para makalusot siya sa pambabastos sa kanyang kapwa.

Hindi lang mga lalaki ang nagwawala at nawawala sa sarili kapag nasasayaran na ng inuming nakalalasing ang kanilang lalamunan. May mga babae rin.

Malalakas ang kanilang loob na magpakalasing pero kapag basag na basag na ay naghahamon ng away kundi man nagmamalabis na ang bibig sa pagsasalita.

Wala silang pakialam kung nawiwindang man ang mga tao sa kanilang pa­ligid, basta magmumura sila nang walang patumangga, ang tanging dahilan nila tungkol du’n ay lasing na kasi sila.

Magpapaulan sila ng mga mura, dalawa-singko lang para sa kanila ang mga PI, bumubula ang kanilang mga bibig sa kabastusan.

Napakasarap lamukusin ang bibig ng mga babaeng iinom at saka magpapa­lutang ng kabastusan kapag lango na, parang ang sarap-sarap nilang ingudngod sa sahig, para magising sila sa katotohanan na maling-mali na ang kanilang ginagawa.

At walang urbanidad ang mga ganu’ng tao, alam naman nilang bisita lang sila sa okasyon, pero kung makaasta sila ay parang kanila ang party.

Dapat palanguyin sa swimming pool ng alak ang mga babaeng walang kahihiyan at disiplina kapag nakaiinom na. Hindi sa lahat ng panahon ay puwede silang magkubli sa pagiging babae nila para makapambastos ng mga taong walang kinalaman sa mga bitbit nilang problema sa buhay.

Dapat silang pumosisyon sa tamang lugar. Kung magpapakalasing sila ay kailangang hindi nila bitbit ang matitinding kakulangan nila sa buhay para hindi nila naibabaling sa mga taong walang kamalay-malay ang galit nila sa mundo.

Nakakahiya, nakababawas ‘yun ng respeto, lalo na kung ang babaeng la­sing na nagwawala at mura nang mura ay kilala sa kanyang linya. Napakahalay!

Ubos!

‘Pagpatay’ kay Jinkee tatlo ang version!

Linggo nang madaling-araw ay kabi-kabilang tanong ang tinatanggap namin sa text kung totoo bang may bumaril kay Jinkee Pacquiao? Nabulabog din ang mga kaibigan namin sa Amerika at Canada, patay na raw ba ang misis ni Senador Manny Pacquiao, ano raw ba ang totoong kuwento?

Naghintay muna kami nang ilang oras bago namin tinawagan si Jayke Joson, kaibigan ng pamilya ng senador, siguradong alam nito kung totoo bang may nangyari kay Jinkee.

Ang sagot ni Jayke, “Sana, kanina ka pa tumawag, hindi pa ako natutulog! Kailangan kong sagutin ang tawag at text ng mga taong concerned kay Ma’m Jinkee! Grabe naman ‘yun! Wala silang puso!” pahayag ni Jayke.

At iba-ibang bersiyon pala ang ginawang “pagpatay” kay Jinkee sa social media. Unang version ang may bumaril sa kanyang ulo, patay ang biktima, iuuwi raw sa GenSan ang kanyang bangkay.

Ang ikalawang bersiyon naman ay may sumaksak sa kanya habang nagsi-shopping, hindi naman siya napuruhan, dahil naisugod agad siya sa ospital.

Ang ikatlo naman ay nilason siya ng kanyang mga kasambahay, bumubula raw ang bibig ni Jinkee, agaw-buhay na nang maitakbo sa ospital ang misis ni Pacman.

Nakakapanghilakbot ang mga ganu’ng kuwento, lalo na para sa pamilya at mga kaibigan ng misis ng Pambansang Kamao, paano kung maysakit ang nagmamahal at nagmamalasakit kay Jinkee at inatake ito nang matanggap ang balita?

Matibay ang pananampalataya ni Jinkee. Alam niya na hindi siya pababayaan ng Diyos pati ang mahal niyang pamilya. Pero kailangan niyang ipaalam sa lahat ng mga nagmamahal sa kanya na buhay na buhay siya.

Naglabas siya ng proof of life. Kinambalan niya ‘yun ng mga talata sa Bibliya na mas nagpapalakas pa sa kanyang pananalig sa Panginoon.

Ewan kung paano nakukunsensiya ng ibang tao ang lantarang pagpatay sa mga taong buhay na buhay at nananahimik. May kunsensiya pa kaya ang mga taong ganu’n?

Walang katotohanan ang balita, nandu’n na tayo, pero paano naman ang mga taong nagmamahal kay Jinkee? Sana nga’y lukuban ng katinuan ng isip at puso ang mga taong walang malasakit sa buhay ng kanilang kapwa.

Kilabutan sana sila, maisip din sana nila na baka sa kanila bumalik ang mga kalokohang pinaggagagawa nila, nakakabagabag ang magiging ganti sa kanila ng kapalaran.

May karma.

vuukle comment

LASENGGANG CELEB

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with