Sereno pinahaharap sa House
MANILA, Philippines — Pinahaharap na ng House Justice Committee si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno para sa pagdinig ng probable cause sa impeachment complaint laban sa kanya.
Sinabi ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, chairman ng komite na inimbitahan na nila si Sereno sa pamamagitan ng liham para humarap siya sa pagdinig sa Miyerkules, Nobyembre 22.
“The invitation was sent to Chief Justice Sereno. The committee wants her presence during the resumption of the hearing on Wednesday,” ayon kay Umali.
Matatandaan na ang impeachment complaint laban kay Sereno ay inihain ni Atty. Larry Gadon.
Nilinaw naman ng kongresista na hindi pa nila napapag-usapan kung makikitaan ng probable cause sa nasabing impeachment complaint habang pagdedesisyunan naman nila ang kahilingan ng punong mahistrado na payagan ang kanyang abogado na ma-cross examine ang posibleng witness na ipiprisinta laban sa kanya.
Subalit kung nais umano ni Sereno na ma-cross examine ang nag-aakusa sa kanya ay dapat siyang dumalo sa pagdinig at personal na harapin ito at hindi ang kanyang abogado.
Una na rin hinamon ni House Speaker Pantaleon Alvarez si Sereno na harapin ang mga nag-aakusa sa kanya sa naunang impeachment hearings kung wala talaga siyang tinatago o mag-resign na lamang.
- Latest