Solon pinakakasuhan sa PDAF scam
MANILA, Philippines — Pinakakasuhan na ng tanggapan ng Ombudsman si dating Rep. Herminio Teves, ng 3rd district ng Negros Oriental matapos makakita ng probable cause sa kasong graft na may kinalaman sa kuwestyonableng paggamit ng kanyang P10 milyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2007.
Bukod sa graft, pinakakasuhan din ng Ombudsman si Teves ng isang count ng malversation of public funds.
Bukod kay Teves, kapwa akusado sa kasong nabanggit ang chief of staff ni Teves na si Hiram Pulido, at Technology and Livelihood Resource Center (TLRC) representatives Antonio Ortiz, Dennis Cunanan, Marivic Jover, Belina Concepcion at Francisco Figura na umanoy kasangkot sa irregularidad sa PDAF scam.
Sinasabing ang naturang P10 milyong PDAF ni Teves ay orihinal na laan para sa livelihood projects sa mga depressed barangays sa ikatlong distrito ng lalawigan na nauwi lamang sa mga ghost projects.
Sa rekord, noong December 2006, hiniling ni Teves ang pagpapalabas sa ika-apat na bahagi ng kanyang PDAF allocations at pinili ang TLRC bilang implementing agency at ang Molugan Foundation, Inc., bilang conduit non-government organization (NGO).
Nalaman sa imbestigasyon ng Ombudsman na ang Molugan Foundation ay walang kapasidad na maipatupad ang proyekto at noong 2007 lamang ito naitayo. Wala rin umanong naganap na bidding hinggil sa naturang proyekto.
- Latest