Preparasyon sa Undas, kasado na!
MANILA, Philippines — Isang linggo ang ikinasang pagtutok ng Manila Police District (MPD) sa mga sementeryong nasa hurisdiksiyon nito ngayong paparating na Undas.
Sinabi ni MPD director Chief Supt. Joel Coronel na simula sa Oktubre 27 na magtatapos sa Nobyembre 2 ang preparasyon sa nasabing okasyon, kung saan idedeploy sa apat na malalaking libingan na kinabibilangan ng Manila North Cemetery, La Loma Catholic Cemetery, Manila Chinese Cemetery at Manila South Cemetery ang nasa halos 2 libong kapulisan.
“For all those days when we will have deployment, Oct. 27 to Nov. 2, we will be deploying close to 1,800 policemen. So round the clock, starting Friday afternoon, Oct. 27, for all those cemeteries mentioned,” ani Coronel.
Maglalagay aniya, ng mobile, foot patrols at checkpoints sa ilang estratehikong lugar para sa seguridad ng milyong dadagsa sa mga sementeryo.
Tulad ng dati, maghihigpit pa rin sa inspeksiyon ng mga bag at iba pang dalahin sa loob ng sementeryo at kukumpiskahin ang mga ipinagbabawal na alak, baraha at iba pang gamit sa pagsusugal, loud speakers, mga sandatang nakamamatay kabilang ang kutsilyo.
Katuwang ng MPD ang Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), Manila Health Department (MHD), Department of Public Order and Safety (DPS) at ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).
- Latest