^

Bansa

Miriam pumanaw na

Malou Escudero - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines - Pumanaw na kahapon ng umaga si dating Senator Miriam Defensor-Santiago, 71, matapos ang dalawang taong pakikipag­laban sa lung cancer.

Mismong ang asawa ng senadora na si Atty. Jun Santiago ang nag-anunsiyo kaugnay sa mapayapang pagpanaw ng senadora sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig City.

“She died peacefully in her sleep this morning,” pahayag ni Santiago.

Sa Twitter account ng senadora, nakalagay na namatay ito dakong alas-8:52 ng umaga.

Noong June 2014 inihayag ni Santiago sa publiko ang estado ng kanyang kalusugan kung saan inamin niya na mayroon siyang stage four lung cancer.

Nagsasagawa ng public hearing si Sen. Grae Poe tungkol sa Freedom of Information Bill nang ihayag nito na pumanaw na si Santiago kaya pan­samantalang itinigil ang pagdinig upang mag-alay ng panalangin. Inilagay rin sa half-mast ang bandila ng Pilipinas na nasa harap ng gusali ng Senado.

Ipinanganak si Santiago noong June 15, 1945 sa Iloilo City at panganay sa pitong magkakapatid.

Isang local judge ang ama nitong si Benjamin Defensor habang guro ang ina nitong si Dimpna Palma.

Nagtapos ito ng abogasya sa University of the Philippines at naging senador mula 1995 hanggang 2016.

Noong 2011, si Santiago ay naging pinakaunang Pinay na nahalal bilang judge sa International Criminal Court. Gayunman, nag-resign ito matapos ma-diagnose na may chronic fatigue syndrome na nauwi sa lung cancer.

Tatlong beses na tumakbong presidente ng bansa si Santiago kung saan nakalaban niya sa magkakahiwalay na pagkakataon ang mga nanalong sina dating Pangulong Fidel Ramos (1992), dating Pangulong Erap Estrada (1988) at ang pinakahuli ay si Pangulong Rodrigo Duterte (2016).

Naging best seller ang dalawang libro ni Santiago na “Stupid is Forever” at “Stupid is Forevermore” kung saan mababasa ang kanyang mga jokes at mga pick up lines.

Kilala si Santiago bilang Dragon Lady, Platinum Lady, Incorruptible Lady, Tiger Lady, at Iron Lady of Asia.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with