Ex-driver ni Leila pinahaharap sa House
MANILA, Philippines - Iisyuhan na ngayong linggong ito ng subpoena ng House of Representatives Justice Committee ang dating driver ni Senador Leila de Lima na si Ronnie Dayan.
Sinabi ni Justice Committee chairman at Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali na hindi imbitasyon ang ipapadala nila kay Dayan kundi subpoena na dahil nagtatago na ito.
Ito ay para paharapin ang dating driver ni De Lima sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa kalakalan ng droga sa National Bilibid Prison sa Oktubre 5.
Ang nasabing subpoena ay paaaprubahan pa umano ng komite kay House Speaker Pantaleon Alvarez at kung isnabin umano ito ni Dayan ay mapipilitan silang isyuhan na siya ng warrant of arrest.
Matatandaan na si Dayan ang siyang umano’y tumanggap ng P10 milyon na dinala nina NBI Deputy director Rafael Ragos at Jovencio Ablen Jr. sa bahay ni De Lima sa Parañaque sa dalawang pagkakataon.
Samantala, nagpahayag na rin ng kahandaan na humarap sa imbestigasyon ng Kamara si dating Bucor chief Franklin Bucayo na inakusahan din tumanggap ng P1.2 milyong drug money kada buwan.
Kinumpirma naman ng Kongresista, na inoobliga niya si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na iharap si Jaybee Sebastian sa komite sa susunod na pagdinig.
Giit ni Umali, hindi maaaring hindi maiharap si Sebastian dahil sa ito ang sentro ng usapin sa kalakalan ng droga sa Bilibid base na rin sa naging pahayag ng mga saksi na kinuwestyon ng mga kongresista noong nakaraang linggo.
- Latest