Publiko pinag-iingat sa pekeng guyabano juice
MANILA, Philippines – Pinag-iingat ng Food and Drugs Administration (FDA) ang publiko laban sa isang brand ng supplement food na “Guyabano Juice” na ibinebenta ngayon sa merkado.
Sinabi ng FDA na mapanlinlang ang produktong nabanggit na ang brand name mismo ay “Guyabano juice” dahil kahit hindi ito aprubado ng kanilang ahensiya ay may logo umano ng FDA sa kabila na hindi naman rehistrado.
Hindi rin umano dapat paniwalaan na lamang ang claim ng nasabing produkto na nakakagamot ito ng cancer, urinary tract infection (UTI) , at iba pang sakit dahil baka mas makasama pa ito sa kondisyon ng mga aasa na sila ay gagaling sa sakit.
Makikita umano sa labeling ng produkto na sampung libong beses na mas mabisa ang “Guyabano juice” kaysa sa gamot na ginagamit sa chemotherapy subalit walang nakasulat sa botelya o sa labeling kung sino , anong kumpanya at saan ito namanufacture.
Payo ng FDA, mag-isip ang publiko na kung dapat pagtiwalaan ang isang produkto bago bilhin dahil kung hindi rehistrado at aprubado ng FDA ang isang inumin o pagkain ay hindi rin makatitiyak na ligtas ang kalusugan ng kokonsumo at sakaling may masamang mangyari sa consumer ay hindi rin matutukoy kung anong kumpanya ang may pananagutan.
- Latest