Victory party ni Digong kasado na
MANILA, Philippines - Kasado na ang victory at thanksgiving party na tinawag na “DU31:One Love One Nation” para kay incoming President Rodrigo Duterte at mahigpit na seguridad ang ipatutupad ng mga awtoridad na itinakda sa Davao City.
Ang victory party na inorganisa ng mga supporters ni incoming President Duterte ay gaganapin sa 100-ektaryang Corcodile Park complex sa Davao City sa Hunyo 4 mula ala-1 ng hapon hanggang ala-1 ng madaling araw.
Nasa 4,500 uniformed personnel kabilang ang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ang ipakakalat para matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga inaasahang mahigit 300,000 dadalo sa victory party.
Dadalo din sa nasabing victory party si incoming President Duterte kaya nasa paligid nito ang kanyang PSG na magbibigay ng mahigpit na seguridad.
“Security will be very, very strict. Females will be closely frisked, ‘yung mga undergarments nang kaunti. The men, patatanggalin ‘yung shoes and socks,” ayon sa organizer ng DU31 event na si Kat Dalisay.
Magiging mahigpit ang ipapatupad na seguridad sa nasabing venue upang maiwasan ang anumang sakuna at hindi matulad sa Close-Up event sa Pasay City.
“No lighters, no cigarettes will be allowed. Binabawal namin ‘yung big bags, with containers. Yung behaviors of our attendees will be closely monitored,” dagdag pa ni Ms. Dalisay.
- Latest