Jo-Len bagong tandem
MANILA, Philippines – Pinagpipiyestahan ngayon ang bagong tandem na “Jo-Len” nina Vice President Jejomar Binay at LP vice presidential candidate Leni Robredo ngayong papalapit na ang halalan.
Sinabi ni dating Environment Secretary Eleazar “Ely” Quinto at iba pang nagtayo ng kilusang Jo-Len, isang multi-sectoral na grupong nagtutulak ng tambalan nina Binay at Robredo, na iniendorso nila ang naturang tambalan, mayroon man o walang pahintulot ng dalawang kandidato na mula sa magkalabang partido.
Dahil dito, sinabi ng grupo na nararapat lang na bumitiw na si Roxas sa pagtakbo sa pagka-pangulo dahil sa patuloy na kabiguan nito na mapaangat ang kanyang rating sa poll surveys sa nakaraang halos anim na buwan.
Ayon kay Quinto, ang kabiguang ito ay nangangahulugan lang na walang tsansang Manalo si Roxas sa pagka-pangulo.
“We must revive the spirit of EDSA 1 – People Power and this can be achieved with Roxas stepping aside from the presidential race,” sabi ni Quinto, tagapagsalita ng Kilusang JoLen.
Ayon kay Quinto, isang dating LP secretary general, si Roxas ay hindi naging bahagi ng EDSA 1.
Sinabi niya na ang dating cabinet official ay nasa Estados Unidos noong mga panahon na nakikipaglaban ang maraming Filipino sa diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Ipinaliwanag ni Quinto na may posibilidad na makabalik ang mga Marcos kung pagbabatayan ang tumataas na rating sa pagka-bise presidente ni Sen. Bongbong Marcos.
Matatandaan na umayaw si Roxas sa pagtakbo bilang pangulo noong 2010 upang bigyan daan ang pagtakbo ni Aquino.
Dahil sa pagtatag ng Team Noy-Bi, na kumampanya para sa tambalan ni Aquino at Binay, natalo rin si Roxas sa kandidatura nito bilang bise-presidente.
Karamihan sa mga personalidad na nagtatag ng Kilusang Jo-Len ay sila ring nag-organisa ng matagumpay na Noy-Bi movement.
Sa isang pulong pambalitaan sa Quezon City, sinabi ni Audie Lubaton ng Coalition of Urban Poor Movemen, at Ver Robillos ng People’s Movement for Democratic Governance na sinimulan na nila ang kampanya para sa tambalang JoLen.
“Whether or not Binay or Robredo will support our movement is the least of our concern right now. We are campaigning for them ‘coz we know they have the answer to the various ills have been affecting the country.
Ayon sa Kilusang JoLen, sina Binay at Robredo lang ang kandidatong may karanasan at matapat na hangarin para sa bayan.
- Latest























