SC ruling sa DQ case ni Poe pinal na
MANILA, Philippines – Pinal na ang desisyon ng Supreme Court na nagdedeklarang kuwalipikadong kumandidatong presidente sa halalan sa Mayo si Sen. Grace Poe.
Kaugnay nito, ibinasura ng Supreme Court ang mga motion for reconsideration na isinampa ng Commission on Elections at ng apat pang pribadong respondent na humiling na baligtarin ang naunang desisyon ng Mataas na Hukuman noong Marso 8, 2016 na nagpapahintulot kay Poe na tumakbo sa halalang pampanguluhan.
Sa botong 9-6, tinanggihan ng Supreme Court ang naturang motion for reconsideration. Idineklara pa ng Mataas na Hukuman na pinal na ang naturang desisyon at hindi na ito tatanggap ng anumang motion kaugnay ng kaso.
Sinabi ng Mataas na Hukuman sa resolusyon nito na napagdesisyunan na ang mga basic issues na inihain sa korte at walang mahalagang bagong argumentong ipinakita ang naturang mga motion for reconsideration. Sa desisyon ng Mataas na Hukuman noong Marso 8, pinuna nito na nagkaroon ng grave abuse of discretion ang Comelec nang idiskuwalipika nito si Poe.
Kabilang sa mga bumoto pabor sa pagpapatibay sa desisyon ng Supreme Court sina Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, Associate Justices Presbitero Velasco Jr., Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Jose Perez, Jose Mendoza, Marvic Leonen, Francis Jardeleza at Alfredo Caguioa.
Ang anim na mahistrado na tumutol sa pagbasura sa motion for reconsideration ay sina Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justices Teresita Leonardo-de Castro, Arturo Brion, Mariano del Castillo, Estela Perlas Bernabe at Bienvenido Reyes. Hindi kasama si Bernabe nang magbotohan ang mga mahistrado dahil nakabakasyon siya pero iniwan niya ang kanyang boto sa kaso at minantini ang kanyang pagtutol.
Sa desisyon noong Marso 8, idineklara ng Supreme Court na si Poe ay isang natural-born citizen na nakatugon sa 10-year residency requirement para sa panguluhan bago maghalalan sa Mayo 9.
Kinatigan din ng Mataas na Hukuman ang posisyon ng solicitor general na malaki ang posibilidad na mga Pilipino ang mga magulang ni Poe batay sa estadistika.
Pinuna pa ng Supreme Court na binalewala ng Comelec ang ebidensiya ni Poe na pisikal itong bumalik sa Pilipinas noong Mayo 24, 2005 hindi dahil sa mali ito kundi ipinosisyon ng Comelec na ang domicile ay maitatatag lang mula sa repatriation o pagbalik sa bansa ng senadora sa ilalim ng repatriation under R.A. No. 9225 (Citizenship Retention and Reacquisition Act) noong July 2006.”
Hindi pa rin nawawala ang realidad na bumalik sa Pilipinas mula sa United States si Poe noong Mayo 24, 2005 at nanatili na rito sa bansa nang permanente.
Ipinahiwatig naman ni Sereno na dapat igalang ang pagpili ng mamamayan sa susunod na presidente ng Pilipinas. Maaari lang makapanghimasok ang Mataas na Hukuman pagkaraang makapili ang mga tao.
Samantala, nagpasalamat naman si Poe matapos maging pinal ang desisyon ng SC sa kanyang citizenship.
“Nagbigay lang ito ng affirmation na talagang maayos naman talaga—na naging malakas, tama ang desisyon ng Korte Suprema. Kami ay nagpapasalamat sa hustisyang binigay nila,” wika ni Poe sa panayam matapos ang political rally sa Sorsogon.
Naniniwala si Poe na nawala na ang “kadena” sa kanyang pangangampanya at magtutuloy-tuloy na ito.
Sa tanong kung makakaapekto ang desisyon sa kanyang ranking sa surveys, sinabi ni Poe na mas naniniwala siyang mas binibigyan pa rin ng halaga ng mga botante ang plataporma at karakter ng tumatakbo.
- Latest























