Robredo: Tao muna bago pulitika
MANILA, Philippines – Hinihikayat ni Liberal Party (LP) vice presidential candidate Leni Robredo ang pamahalaan at iba pang stakeholders na tutukan ang interes at kapakanan ng mga magsasaka, sa halip na magsisihan ukol sa nangyaring insidente sa Kidapawan City.
“Walang mangyayari sa pagtuturuan dahil wala itong maitutulong para mapabuti ang kalagayan ng ating mga magsasaka,” wika ni Robredo.
“Unahin muna natin tingnan ang kalagayan ng mga magsasaka, pati na ang kanilang mga pamilya, dahil alam naman natin na sila talaga’y naapektuhan ng mariing tagtuyot,” dagdag ni Robredo.
Ayon kay Robredo, dapat munang isantabi ang mga isyung ibinabato sa mga magsasaka at halip, bigyang pansin ang kanilang pangangailangan.
“Huwag muna nating intindihin ang mga akusasyon. Mas mahalaga rito, tugunan ang kanilang mga hinaing upang maipakitang may ginagawa ang pamahalaan para sa kanila,” dagdag pa niya.
Bago rito, nanawagan si Robredo para sa masusing imbestigasyon sa madugong dispersal ng mga magsasaka sa Kidapawan City na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong magsasaka.
“Bakit kailangang mangyari? Bakit kailangang may patayan? Bakit kailangang may barilan? Dapat sana hindi. Ang pinakabuod ng problema, marami na tayong kababayan sa Mindanao na naghihirap because of the drought,” wika ni Robredo.
Ipino-protesta ng mga magsasaka ang kakulangan ng tulong mula sa pamahalaan sa gitna ng lumalalang El Nino sa Cotabato sa kahabaan ng national highway sa Kidapawan City nang mangyari ang insidente.
- Latest





















