Kampanya ni Peña, umarangkada na
MANILA, Philippines - Isinagawa na rin kahapon ang proclamation rally ni Makati City Acting Mayor Romulo “Kid” Peña Jr. sa ikalawang distrito ng lungsod.
Bago ang proklamasyon, nagkaroon muna ng motorcade ang buong tiket ni Peña na umikot sa lahat ng barangay na nasasakop ng ikalawang distrito ng lungsod.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Peña na patuloy nilang isusulong ang transparent at good governance na naipatupad na niya mula nang maitalagang punong-lungsod ng Makati, kung saan ramdam ng lahat ang ginhawa mula sa programang ipinatutupad ng pamahalaang lokal.
Aniya, mas buhos ang kasiya-siyang programang ihahatid sa mga residente dahil ang pondong laan para sa lungsod ay esklusibong gagamitin para sa mga lehetimong na naninirahan sa lungsod.
“In less than a year, the Bagong Makati was able to undertake reforms within the city government aimed to curb corruption at all levels and safeguard the city’s resources against abuse and misuse, so that our constituents can, at long last, fully enjoy all the benefits and privileges we can afford to provide them,” ani Peña.
Ayon pa sa kanya, kung magagamit ng wasto ang pondo, mas maraming residente at namumuhunan dito ang mapagkakalooban ng natatanging serbisyo.
Ipinagmalaki rin ni Peña ang paglobo ng buwis na nalikom sa ilalim ng kanyang panunungkulan, na aniya ay simbolo ng kumpiyansa ng nagnenegosyo sa Makati sa kanyang liderato.
May 12 porsiyentong pagtaas ang naitala sa business tax collection sa nakalipas na 2 buwan ng kasalukuyang taon. Ang P7.44 bilyong kita ay halos katumbas na ng projected target para sa taong kasalukuyan.
Nakatakda naman ang proklamasyon ng kanyang kandidato sa unang distrito bukas ng alas-6 ng gabi sa Metropolitan Avenue.
- Latest


















