Bill sa tamang sukli aprub!
MANILA, Philippines – Bawal na ang hindi pagsusukli ng tama sa mga consumers o mamimili kahit gaano pa kaliit ang sukli nito.
Ito’y matapos aprubahan ng Bicameral Conference Committee ang panukalang batas nina Las Piñas City Rep. Mark Villar, chairman ng House Committee on Trade and Industry at Sen. Bam Aquino, chairman ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship.
Ang House bill 4730 at Senate bill 1618 ay inaprubahan ng naturang komite na naglalayong maprotektahan ang mga consumer mula sa unfair trade practices.
Nakapaloob din sa panukala ang pag-aatas sa mga business establishments na maglagay ng price tags, kung saan nakalagay ang eksaktong retail price per unit o service.
Bukod dito kailangan din ilagay ang naturang price tag sa mga lugar na makikita agad ng consumers.
Itinatakda ng panukala ang pagmumulta ng P500 hanggang P25, 000 o 3%-10% ng gross sales ng business establishment, kung alinman ang mas mataas; at suspension o pagbawi sa license to operate sa ilang ulit na opensa ang ipapataw sa mga lalabag na establisimiyento.
Sinuportahan ng Department of Trade and Industry (DTI) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pagpasa sa naturang panukala.
“This will avoid misleading the consumer as to the exact price they have to pay for the goods or services and consequently, the exact change due them,” ayon kay Villar.
Inihain ng kongresista ang nasabing panukala bilang tugon sa mga reklamo ng mga mamimili partikular na sa mga malalaking mall at establisimyento sa bansa na hindi nagbibigay ng tamang sukli.
Sa halip na tamang sukli ay nagbibigay na lamang ang mga ito ng maliliit na bagay o kendi dahil sa katwiran na mayroong “coin shortage” o mahirap makakuha ng barya mula sa mga banko.
- Latest



















