Working student, tinodas ng tandem
Tinaniman ng limang bala sa katawan
MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang 22-anyos na lalaking working student nang ito ay pagbabarilin ng riding- in-tandem sa kalye na sakop ng Brgy. Banay-Banay II, San Jose, Batangas nitong Linggo.
Kinilala ang nasawing biktima na si Charles Usi, isang mag-aaral ng Bachelor of Arts in Communication sa Westmead International School.
Bukod sa pag-aaral, siya rin ay nagtatrabaho bilang isang banda o singer sa isang bar upang suportahan ang kanyang sarili.
Batay sa ulat, pasado alas-9:00 ng gabi ay pauwi na si Usi sakay ng kanyang motorsiklo matapos mag-perform sa isang bar nang tambangan at pagbabarilin ng dalawang suspek na magkaangkas din sa motorsiklo sa bahagi ng Barangay Banay-Banay II.
Nagtamo ang biktima ng limang tama ng bala mula sa .45-caliber na baril ang biktima.
Ayon sa San Jose Municipal Police Station, lumusot pa sa likod ng kanyang dalang gitara ang mga bala bago tumama sa kanyang katawan at idineklara siyang dead-on-arrival sa Metro San Jose Hospital.
Makikita sa CCTV footage na ang biktima ay sakay ng kanyang motorsiklo nang salubungin siya ng dalawang suspek na sakay rin ng motorsiklo. Nakita sa CCTV ang pamamaril ng dalawang suspek sa biktima.
“Naka-helmet. ‘Yung isa, ‘yung driver is naka-helmet ng puti and ‘yung back rider niya is naka-helmet ng itim,” wika ng pulisya
Kasalukuyan pang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa krimen at tinutugis ang mga suspek.
- Latest



















