5 illegal alien arestado sa BI

MANILA, Philippines — Limang dayuhan ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa magkakahiwalay na operasyon sa Hilagang Luzon mula Hulyo 30 hanggang 31 dahil sa umano’y paglabag sa immigration laws.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang mga naaresto na sina Sahil Kumar, 23, at Sharendran Doss Devadoss, 29, kapwa Indian; Huang Pengpeng, 39, Chinese; at mga South Korean na sina Jin Su Deok, 51, at Oh Eiseok, 49. Nahuli sila sa Nueva Ecija, Bulacan, Zambales at Pampanga.
Ayon sa BI, overstaying at kawalan ng balidong immigration documents ang naging dahilan ng pagkakaaresto kina Kumar, Devadoss at Huang. Si Kumar ay inaresto sa Cabanatuan City, Nueva Ecija, at iniugnay din umano ng mga residente sa isang ilegal na “5-6” lending business.
Samantala, sina Jin at Oh ay inaresto sa Angeles City, Pampanga matapos umanong makitang aktibong namamahala ng isang restaurant kahit walang kaukulang visa at work authorization. Hindi rin sila nakapagpakita ng mga balidong dokumento nang inspeksyunin ng BI operatives.
Dinala ang lahat ng limang dayuhan sa pangunahing tanggapan ng BI sa Maynila para sa booking, dokumentasyon at pagsisimula ng proseso ng deportasyon.
- Latest


















