Himala: iniligtas ng guardian angel
(Part 1)
WORKING student ako noon kaya panggabi ang schedule ng aking klase mula alas sais hanggang alas nuwebe ng gabi. Nagtatrabaho ako sa isang printing press bilang paste-up artist.
Mula sa unibersidad ay lalakarin ko ang aking tinitirahang kuwarto. Mga 15 minuto akong naglalakad pauwi. Kadalasan ay wala na akong nakakasabay pauwi. Paglabas ko ng klase ay nagmamadali ako sa pag-uwi. Bahagyang madilim sa aking nilalakaran dahil walang ilaw ang mga poste ng kuryente.
Wala namang maaring masakyan na traysikel o pedicab sa mga oras na iyon. Bihira na ang mga bumibiyahe.
Isang gabing lumabas ako ng school, bumuhos ang malakas na ulan. May dala akong payong pero hindi puwedeng sumugod dahil may kasamang hangin ang ulan.
Ipinasya kong magpatila muna ng ulan sa unibersidad bago sumugod. Makaraan ang 15 minutes, bahagyang tumila ang ulan kaya sinamantala ko iyon. Mabilis akong naglakad pauwi.
Pero nang makalabas ako ng gate ng unibersidad, biglang bumuhos uli ang ulan. Ipinasya kong sumilong sa waiting shed na aking nadaanan.
(Itutuloy)
- Latest




















