3 suspects sa pagpatay sa Amerikanong Marine biologist, timbog

MANILA, Philippines — Bumasak sa mga operatiba ng pulisya ang tatlong suspect na sangkot sa kasong pagnanakaw at brutal na pagpatay sa isang Amerikanong Marine Biologist sa isinagawang magkakahiwalay na operations sa Sibulan, Negros Oriental nitong Miyerkules ng gabi at Huwebes ng umaga.
Sa report ng Special Investigation Task Group (SITG) Carpenter at Police Regional Office-Negros Island Region (PRO-NIR) Director P/Brig. Gen. Romano Cardiño, unang nasakote ang suspect na si Mark Bucog Oracoy, 26 sa Purok 5, Brgy. Ajong, Sibulan dakong alas-9:56 ng gabi.
Bandang alas-10:35 naman ng gabi nang sumunod na maaresto si Jal Piañar Filipinas, 40 taong gulang sa Purok 6 ng nasabi ring Barangay sa bayang ito habang ang ikatlong suspect na si Ciem Diputado ay nahuli naman pasado alas-4 ng madaling araw nitong Huwebes sa Purok 2; pawang ng naturang barangay sa nasabi ring munisipalidad.
Ang mga nasakote ay pawang suspect sa kasong robbery with murder sa biktimang si American national Kent Edward Carpenter, 73-anyos, isang Marine Biologist na nagsagawa ng pananaliksik sa West Philippine Sea (WPS) na nakatulong sa paghahain ng kaso sa tagumpay ng arbitral ruling sa The Hague, Netherlands noong Hulyo 12, 2016 na pumabor sa Pilipinas laban sa China.
Kasalukuyan na ngayong humihimas ng rehas na bakal ang tatlong suspect na isinailalim na rin sa dokumentasyon bilang bahagi ng proseso sa kasong kriminal na kinakaharap ng mga ito.
Nagpapatuloy ang pagtugis ng mga operatiba ng pulisya sa ikaapat na tumakas na suspect.
Magugunita na si Sibulan ay pinagbabaril ng tatlong armadong suspect na pumasok sa tahanan ng mga ito sa Brgy. Ajong, Sibulan noong nakalipas na Hulyo 12 ng gabi habang nanonood ito ng telebisyon kasama ang kaniyang misis na Pinay sa Brgy. Ajong ng bayang ito. Ang mga suspect ay tumakas tangay ang pera at mga alahas ng biktima habang hindi naman sinaktan ng mga suspect ang misis nito.
- Latest

















