Mangingisda nasabat sa 400-litro ng diesel

CAWAYAN, Masbate, Philippines — Nahaharap sa patung-patong na kaso ang isang mangingisda matapos mahuli aktong pag-iingat ng aabot sa 400-litro ng diesel fuel o krudo sa Brgy. Cawayan, dito sa bayan, kamakalawa ng hapon.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Batas Pambansa bilang 33 na naamyendahan ng Presidential Decree No.1865 o ang pagpapataw ng mabigat na parusa laban sa ilegal na pagbebenta, transportasyon, distribusyon, at pagtatago ng anumang petroleum products ang suspek na si alyas “Ariel,” residente ng naturang lugar.
Sa ulat, nakakuha ng intelligence report ang mga pulis hinggil sa ilegal na pagtatago ng suspek ng ilang drum na may lamang krudo.
Alas-5:40 ng hapon ay ikinasa ng mga tauhan ng Masbate Provincial Intelligence Unit, Cawayan Police at Regional Public Safety Battalion 5 ang pagsalakay sa lugar ng suspek.
Maraming drum na inabutan ang mga pulis at tatlo sa kulay blue na plastic drum ang nakumpirma na may lamang nasa 400-litro ng krudo.
Walang naiprisintang dokumento ang suspek sa pag-iimbak ng naturang petrolyo kaya inaresto ng awtoridad.
- Latest
















