2 utas, 6 kritikal sa Cotabato gun attack

COTABATO CITY, Philippines — Dalawang Moro ang patay habang anim katao pa ang malubhang nasugatan matapos silang pagbabarilin gamit ang M16 rifles ng umatakeng armadong grupo nitong Martes ng umaga sa Barangay Malingao, Kadayangan, lalawigan ng Cotabato.
Sa report ni Capt. Steffie Salanguit, spokesperson ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, kinilala ang mga nasawi na sina Musalik Nalang at Haron Boliongan, mga residente ng Barangay Malingao, Kadayangan.
Patuloy namang ginagamot sa ospital ang anim na sugatan kabilang ang isang Romeo Lombo, residente ng Barangay Glad, Midsayap, Cotabato, bunsod ng mga tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa magkahiwalay na pahayag nina Lt. Julito Gonzalez, officer-in-charge ng Kadayangan Municipal Police Station, at Salanguit, sina Nalang at Boliongan at anim na iba pang nasugatan ay magkakasama sa isang lugar sa Barangay Malingao nang biglang dumating ang mga suspek na armado ng mga M16 assault rifles at saka sila niratrat.
Nang isa-isang duguang bumagsak ang mga biktima ay mabilis na nagsipulasan patakas ang mga suspek.
- Latest




















