Hitman na No. 2 ‘most wanted’ sa Calabarzon, arestado

MANILA, Philippines — Matagumpay na nalambat ng awtoridad ang tinaguriang No. 2 “most wanted person” ng Calabarzon region dahil sa kasong pagpatay at umano’y hitman na miyembro ng kilabot na “Paz Gun-for Hire-Group” sa isinagawang pagsalakay sa lungga nito sa Brgy. San Lucas, San Pablo City, Laguna kahapon ng madaling araw.
Sa imbestigasyon ng pulisya, madaling araw ng Agosto 1 nang magkasa ng warrant operation ang pinagsanib na puwersa ng Regional Intelligence Division 4A sa pamumuno ni Police Major Francis Albert EFortunado at Police Col Vic Cabatingan kasama ang mga operatiba ng San Pablo Police, Provincial Intelligence Unit-Laguna Provincial Police Office (PPO), at Paete Municipal Police laban sa suspek.
Bitbit ng grupo ang warrant of arrest sa kasong murder na may criminal Case No. S-14277) na inisyu ni Presiding Judge Ma. Lourdes Santos Mendoza, ng Regional Trila Court (RTC) Branch 166, sa Siniloan, Laguna at walang inirekomendang piyansa.
Isinagawa ang operasyon alinsunod sa “Coplan Hingabot” na ikinaaresto ng akusado na kinilala sa pangalang Bobby Bagasala alyas “Bobby,” nasa hustong gulang, residente ng lugar.
Bukod sa kasong pagpatay, nahaharap din si Bagasala sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o illegal possession of Firearms and Ammunition.
Narekober sa suspek ang isang cal .45 colt pistol na may serial number 502738, 2 magazine ng nasabing baril at 16 na bala.
- Latest





















