La Viuda (43)
HINDI agad nakapagsalita si Ernesto. Nakatitig lamang siya sa mga mata ni Andres habang patuloy na gumagapang ang lamig sa kanyang buong katawan. Ang matinding gulat na nararamdaman niya kanina sa pag-aakalang niloloko siya ni Kristina ay tuluyang napalitan ng matinding poot, hindi kay Kristina, kundi sa sarili niyang ina.
“Anong... anong kailangan kong gawin?” nanginginig ang boses ngunit may paninindigan nang tanong ni Ernesto.
Napatingin si Andres sa kanya, bahagyang nagulat sa mabilis na pagbabago ng loob nito.
Dahan-dahang iniharap ni Andres ang kanyang bukung-bukong at ipinakita ang naputol na bakal. “Malaya na ang mga paa ko, Ernesto. Kailangan na lang namin ay ang tamang pagkakataon para makalabas dito kasama ang Nanay Pacing ko at si Kristina.”
Tumatango si Ernesto habang nag-iisip. “Nasa mansiyon ang aking ina at si Mang Teban. Naghahanda na sila para sa ika-apatnapung araw ni Kuya Emilio sa makalawa. Ako ang bahala sa kanila... ako ang gagawa ng gulo para malihis ang pansin nila habang inilalabas n’yo si Kristina.”
“Bakit mo ginagawa ‘to?” tanong ni Andres. “Pamilya mo sila.”
Hindi sinagot ni Ernesto ang tanong ni Andres. Tumalikod na ito patungo sa lagusan ngunit may ibinilin bago tuluyang umalis: “Maghanda ka na. Bukas ng hatinggabi... tatapusin natin ang kabaliwang ito.”
Mabilis na umakyat si Ernesto at agad na hinanap si Kristina sa bakuran ng musoleo. Nang makitang nag-iisa na lamang ang dalaga, dahan-dahan siyang lumapit dito.
Nang magtagpo ang kanilang mga mata, nakita ni Kristina ang matinding pagbabago sa mukha ng binata, wala na ang dating pagkasabik.
“Nalaman ko na ang lahat, Kristina,” sabi ni Ernesto habang hawak ang kamay ng dalaga. “Kinausap ko si Andres sa ilalim. Patawarin mo ako... patawarin mo ako sa lahat ng ginawa ng pamilya ko sa ‘yo.”
Napatigil si Kristina. Nasa mga mata ang pagkagulat.
“Huwag kang matakot,” sabi ni Ernesto. “May plano kami ni Andres. Sa oras na magsimula ang mga ritwal nila sa hatinggabi... patatakasin ko na kayo.” (Itutuloy)
- Latest



















