Apoy sa Balsa (57)
AGAD pumayag si Rhea sa imbitasyon ni Marc na magkape sila sa café. Huminga nang malalim si Rhea. Ito na ‘yun. Ang sandaling matagal na niyang pinangangambahan.
Habang bumababa siya sa elevator patungo sa tahimik na coffee shop sa ground floor ng gusali, inihanda ni Rhea ang sarili. Handa siyang dumepensa, makipag-argumento, at kahit ibaba ang kanyang sariling dignidad para lang huwag maapektuhan ang kontrata ni Kael at ang kanyang ad account sa ahensiya.
Nakatayo si Marco sa gilid ng glass window, hawak ang dalawang tasa ng kape. Nang makita si Rhea, itinuro nito ang bakanteng mesa sa dulo, malayo sa maingay na pila.
Umupo si Rhea, matuwid ang likod, at agad na sumabak bago pa man makapagsalita si Marco.
“Marco, tungkol sa nakita mo sa condo—”
“Rhea, relax ka lang.” Malamig ngunit may bahagyang ngiti sa mga labi ni Marco habang inilalapag ang tasa ng kape sa harap ng dalaga. “Hindi ko kayo isusumbong.”
Napatigil si Rhea. Ang lahat ng nakahandang linya sa kanyang isip ay biglang naglaho. Napatitig siya sa Product Manager, pilit na hinahanap ang anumang bakas ng panlilinlang sa mukha nito.
“A-ano?” hindi makapaniwalang tanong ni Rhea.
Huminga nang malalim si Marco at sumandal sa upuan.
“Alam kong inisip mo buong linggo na gagamitin ko ‘to laban sa ‘yo,” marahang wika ni Marco. “Pero hindi ako narito para sirain ang career mo. Nakita ko kung paano mo binuo at pinagpaguran ang ad campaign. Matalino ka, Rhea. At karapat-dapat ka sa promosyon bilang Creative Director.”
Nakatulala pa rin si Rhea. Matagal na siyang pinopormahan ni Marco pero hindi niya ito pinapansin kaya ang buong akala niya ay paghihiganti ang gagawin nito. “Bakit?”
“Kasi alam ko kung paano gumalaw ang industriyang ‘to,” seryosong sagot ni Marco, nakatitig nang deretso sa mga mata ni Rhea. “Kapag pumatok ang isang lalaking modelo, gagawin ng management ang lahat para panatilihing single ang imahe nito sa publiko. At kapag nagkaroon ng issue o scandal? Hindi ang modelo ang isasakripisyo nila kundi ang babae. At ayokong mapahamak ka, Rhea.”
Itutuloy
- Latest

















