^

True Confessions

Apoy sa Balsa (43)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

KINAUMAGAHAN, sa tulak at suporta ni Rhea, pormal na pinirmahan ni Kael ang eksklusibong kontrata sa ilalim ng pamamahala ni Manager Frank.

Ilang araw ang mabilis na lumipas at dumating ang araw ng kanyang unang opisyal na photoshoot para sa malaking instant noodles campaign ng ahensiya. Sa loob ng malawak na studio, nakalulula ang liwanag ng mga studio lights. Nakapalibot ang mga make-up artist, stylists, at ang mismong mga kliyente.

Kael was visibly out of his element. Suot ang isang ma­mahaling casual attire, nakatayo siya sa tapat ng puting backdrop, stiff ang katawan, naiilang sa bawat galaw, at halatang hindi alam kung saan itutunghay ang kanyang mga mata habang kumikislap ang flash ng camera.

“Kael, relax your shoulders! Bigyan mo kami ng natural na ngiti, ’yung tulad sa burger stall!” sigaw ng photo­grapher, habang bahagyang napapabuntong-hini­nga ang ilang kina­tawan ng kliyente.

Nakatayo si Rhea sa likod ng monitor kasama si Ms. Agatha. Nakikita niya ang pawis at kaba sa mukha ni Kael. Bilang Supervising Creative Director, mabilis na nag-excuse si Rhea at humingi ng limang minutong break.

Lumapit siya kay Kael bitbit ang isang bote ng tubig. Humarap siya sa binata nang may pormal na agwat para sa mga taong nakatingin, ngunit ang kanyang mga mata ay puno ng pagmamahal.

“Kael, tingnan mo ako,” mahinang wika ni Rhea habang iniaabot ang tubig. “Kalimutan mo ang mga ilaw, ang ca­mera, at ang lahat ng taong nakatitig sa ‘yo. Huwag mong isipin na kailangan mong maging ibang tao. Isipin mo lang na nagluluto ka sa kanto—’yung totoong Kael na nakilala ko.”

Huminga nang malalim si Kael. Tinitigan niya si Rhea, ininom ang tubig, at tumango. “Salamat, Ms. Rhea.”

Nang magsimula muli ang shoot, tila may naputol na kadena sa katawan ng binata. Inalis ni Kael ang kanyang mga alinlangan. Ang kanyang bawat galaw ay naging natural, ang kanyang tingin sa camera ay naging tapat at kapansin-pansin ang taglay nitong karisma.

“Perfect! That’s it! Hold that smile!” sigaw ng photographer habang tuluy-tuloy ang pag-click ng camera.

Nakahinga nang maluwag ang buong production crew. Ang mga kliyente ay pumalakpak sa katuwaan habang nakatitig sa monitor.

Itutuloy

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with