Apoy sa Balsa (15)
Dumaloy ang buong linggo sa opisina na parang sirang plaka, mabigat, paulit-ulit, at stressful. Ligtas na natapos ang TVC shoot sa Batangas, pero iniwan naman ni Rhea ang kanyang kapayapaan sa dalampasigan. Pabalik-balik sa isip niya ang huling sulyap ni Kael bago nito pinaandar ang motor pabalik ng Maynila. Isang linggo na ang nakalipas, pero hindi pa rin mawala ang tila tinik sa kanyang dibdib.
Guilt. ’Yun ang tamang salita, kahit pilit niyang kinatwiran sa sarili na wala siyang ginawang masama. Ano naman kung nagkayakap sila ni Marco? Kaibigan niya ito noong college. Normal lang maging masaya kapag nakita ang isang lumang kaibigan. Pero tuwing daraan si Kael sa harap ng cubicle niya para mag-abot ng mga papeles, na may matigas na, “Para sa’yo, Mam Rhea,” at walang kurap na pag-iwas ng tingin, parang krimen ang ginawa niya. Ang pormal nitong distansiya ang unti-unting pumapatay sa kaniya.
“Rhea, kailangan natin ’yung hard copies ng 2018 campaign study para sa meeting kay Marco mamaya. Nandoon na yata sa storage sa basement,” paalala ng kanyang supervisor.
“Ako na po ang kukuha,” mabilis na presenta ni Rhea. Kailangan niyang umalis sa desk niya. Kailangan niyang huminga.
Madilim at amoy lumang papel ang bodega sa basement ng agency. Puno ito ng mga lumang props, giant styrofoam mock-ups, at mga kahon ng archives. Hinanap ni Rhea ang shelf ng marketing research. Nang makita niya ang tamang kahon sa pinakataas na salansan, tumingkayad siya. Halos dulo na ng mga daliri niya ang nakasayad, pilit na hinihila ang mabigat na bulto ng mga dokumento. Nawalan siya ng balanse nang biglang bumulusok pabagsak sa kanya ang kahon. Napapikit si Rhea, handa nang bumagsak sa mukha niya ito, nang may isang malapad na anino sa kanyang likuran ang sumalo sa kahon. Naramdaman ni Rhea ang pamilyar na init ng dibdib na sumadsad sa likod niya.
“Mabigat, Ma’am. Ako na.”
Si Kael. Naka-uniporme ito ng pang-messenger, may logbook na nakaipit sa kilikili. Mas lalong sumikip ang paghinga ni Rhea dahil sa sobrang lapit nito. Agad na lumayo si Kael nang maibaba ang kahon, ibinalik ang malamig na ekspresyon sa mukha. Bago pa man makapagsalita si Rhea, dinala ng hangin ang mabigat na pinto ng bodega.
Blag!
Kasunod nun ang malutong na tunog ng sirang lock. Kumaripas si Rhea patungo sa pinto at pilit na inikot ang lumang brass knob. Walang nangyari. Naka-lock ito mula sa labas, at kilala ang bodegang ito sa pagkakaroon ng sirang pintuan.
(Itutuloy)
- Latest
















