Apoy sa Balsa (6)
BUMABA ang tingin ni Kael sa magaspang nitong daliri na kasalukuyan pa ring humahaplos sa pisngi ni Rhea. Sa gitna ng katahimikan, basag ng tilaok ng ligaw na manok sa malayo, nagtanong ang lalaki.
“Kanina ko pa iniisip… bakit ang isang katulad mo, nag-iisa lang na nag-arkila ng buong balsa? Karaniwan, mga pamilya o magkakasintahan ang pumupunta rito. Siguro, may iniiwasan ka sa Maynila? Boyfriend ba?”
Natawa nang mahina si Rhea, isang tunay at nakakarelaks na tunog na ngayon lang narinig ni Kael.
“Walang, ganoon,” pag-amin niya habang nakatitig sa kisame. “Research ito. May hinahawakan akong malaking travel campaign ad para sa isang luxury eco-resort. Ang tema ng proyekto namin ay tungkol sa pagtuklas sa sarili sa gitna ng likas na ganda ng Pilipinas.”
Bumaling si Rhea kay Kael, sumasayaw ang anino ng gasera sa kaniyang mukha. “Ang problema, lahat ng isinusulat ng team ko sa air-conditioned na opisina sa Makati, tunog peke. Kaya nagbiyahe ako rito. Kailangan kong maramdaman ang tunay na isolation, ang bigat ng hangin, ang buhay-lalawigan, para maging totoo ang script ko. Masyado yata akong naging epektibo, nakuha ko nga ang authentic experience.”
Napangiti si Kael, halatang humanga sa dedikasyon ng dalaga.
Hinubad naman ni Rhea ang kanyang corporate mask at binaliktad ang usapan. “Ikaw naman, Kael? Buong buhay mo na ba rito? Hindi mo ba pinangarap na maranasan ang gulo sa siyudad?”
Tumingin si Kael sa kawalan, tila may inaalala. “Nagtrabaho ako sa Maynila noon, naging factory worker. Pero nasasakal ako roon. Walang hangin, walang espasyo, at parang bawat tao roon ay may gustong patunayan.” Iniyuko niya ang ulo palapit kay Rhea, seryoso ang mga mata. “Dito sa lawa, hawak ko ang oras ko. Kontento na ako na mag-isa rito gabi-gabi.”
Huminto si Kael, ngunit hindi binitawan ang titig kay Rhea.
“Pero ngayong gabi, habang kasama kita… ayaw ko nang matapos ang bagyo.”
Ang pag-amin na iyon ang tuluyang nagpabagsak sa huling pader ni Rhea. Ang travel campaign niya ay tungkol sa paghahanap ng totoong ganda, at napagtanto niyang ang hinahanap niya ay nasa harap na niya. Sa ilalim ng nagngangalit na unos, sumuko si Rhea sa hila ng pagkakataon, at sabay nilang tinapos ang distansiya sa pagitan ng kanilang mga labi.
Itutuloy
- Latest



















