^

True Confessions

Huling Eba sa Paraiso (35)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

Napansin ni Drew na naka-jeans at t-shirt si Marianne. Bakit kaya hindi naka-daster tulad ng suot nito noong nakaraang manalbos ng pako. Wala kayang balak maligo ngayon? Napansin niya na marami na ang natalbos na pako ni Marianne at tinatalian na ang mga ito. Binubungkos-bungkos na. Pagkatapos bungkusin ay maayos na inilalagay sa isang malaking ecobag.

Idedeliber na kaya ni Marianne ang mga pako ngayon?

Saka biglang naisip ni Drew na Miyerkules nga pala ngayon. Araw nang pagdedeliber ng pako sa restaurant ng Intsik sa bayan. Dalawang beses isang linggo kung magdeliber ng pako si Marianne ayon sa nakuhang impormasyon ni Tikoy.

At naalalala niya na kaya nagtungo ngayon si Tikoy sa bayan ay dahil delivery nga ng pako ni Marianne. Nalimutan niya.

Pero bakit tanghali na si Marianne? Pasado alas nuwebe na. Mataas na ang araw. Mabigat ang isang bag na pako at may kala­yuan din ang bayan kung lalakarin. Trabaho ng lalaki ang ginagawa ni Marianne. Kawawa naman! Wala kaya itong kapatid na lalaki para utusang magbuhat ng bag patungo sa bayan?

Maya-maya, natapos nang talian at bungkus-bungkusin ni Marianne ang mga talbos ng pako. Nailagay nang lahat sa ecobag.

Nakita niyang nagpahid ng pawis si Marianne. Dinampian ng panyo ang noo at leeg.

Hindi na nga siguro ma­liligo si Marianne. Talagang ang pananalbos lang ng pako ang sinadya niya rito.

Hanggang magulat si Drew nang makitang umi­iyak si Marianne. Halatang umiiyak dahil nayugyog ang mga balikat. Kahit hindi niya naririnig ang nguyngoy,  malalaman na umiiyak ito.

Ano kaya ang dahilan?

Maya-maya, pinahid ni Marianne ng panyo ang luha.

Pagkatapos ay tumayo. Inilagay ang panyo sa ulo at saka binuhat ang ecobag at ipinatong sa ulo. Halatang mabigat ang ecobag dahil nahirapan din si Ma­rianne na mailagay sa ulo.

Nang balanse na ang ecobag sa ulo, lumakad na si Marianne. Tiyak ni Drew na idedeliber na nito ang pako sa Intsik na may-ari ng restaurant.

Nag-isip si Drew, habulin kaya niya si Marianne at magpakilala at mag-offer na siya na lamang ang magbubuhat ng ecobag patungong bayan. Kawawa naman si Marianne!

Tatanungin din niya kung bakit ito umiiyak.

(Itutuloy)

vuukle comment

MARIANNE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with