Bulag, nahulog sa nakatiwangwang na drainage
MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagkabahala ang National Council on Disability Affairs (NCDA) sa isang insidente kung saan ang isang lalaking bulag ay nahulog sa isang nakatiwangwang na drainage, na sinasabing hindi natapos na proyekto ng kontratista sa F.B. Harrison Street, Barangay 73, sa Pasay City, noong nakalipas na Linggo, Hulyo 26.
Nagtamo ng mga pasa at galos ang lalaking person with disability (PWD) nang ma-swak sa drainage na walang harang, alas-3:00 ng hapon, na sinaklolohan ng mga nakasaksi at city engineering office.
Agad na rin isinara ang imburnal at nilagyan ng warning markers ng kontraktor.
Pinagkalooban naman ang biktima ng financial, food, at iba pang tulong ng Pasay City Social Welfare and Development Department.
Iniutos naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang sangkot na kontraktor na sagutin ang medical expenses ng biktima.
Ayon sa NCDA, naganap ang insidente sa isang lugar kung saan ang isang patuloy na proyekto ng drainage ay nagdudulot ng panganib sa mga naglalakad.
- Latest
















