Protocol license plate ng mga DOTr officials, pinababawi
MANILA, Philippines — Isang memorandum ang inilabas ni acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, na bawiin ang paggamit ng protocol license plate ng mga opisyal ng DOTr at attached agencies nito upang maiwasan ang pang-aabuso.
Inatasan ni Lopez ang mga concerned officials na isuko ang mga protocol license plates at pagbawalan ang paggamit ng sirens, blinkers, at kahalintulad na device kasunod ng administrative order No. 18 ni Pang. Marcos Jr. na nagbabawal sa paggamit ng mga ito.
Anang DOTr, kasalukuyan nang nagsasagawa ang Land Transportation Office (LTO) ng mga kinakailangang koordinasyon at mga pamamaraan upang ipatupad ang naturang direktiba.
Inatasan din naman ni Lopez ang LTO na rebyuhin at klaruhin ang ilang mga probisyon sa Joint Administrative Order (JAO) 2024-001 at magsumite ng updated inventory ng lahat ng inisyung protocol license plates.
Sa ilalim ng JAO No. 2024- 001, ang pag-iisyu ng mga low-numbered license plates o protocol license plates ay inayos upang maiwasan ang hindi otorisadong paggamit at pag-abuso sa mga naturang plaka ng mga opisyal ng gobyerno at pribadong mamamayan.
- Latest

















