Aussies nagparamdam, Letran sinampolan

MANILA, Philippines — Humataw si Sammy Pila ng 12 points mula sa 10 kills, isang kill block at isang service ace para banderahan ang Southern Stork Melbourne sa 26-24, 25-21, 25-19 pagwalis sa Colegio de San Juan de Letran sa pagbubukas ng 2026 Shakey’s Collegiate National Invitationals kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Dinispatsa ng mga Aussies ang Lady Knights, ang reigning NCAA champion, sa loob ng isang oras at 35 minuto.
“We had a rough warm-up, but we stuck together, played our game, and were super supportive. I’m happy for everything,” sabi ng 5-foot-9 na si Pila.
Nagdagdag si middle blocker Steph Baker ng siyam na puntos tampok ang limang attacks.
Binanderahan ni Judiel Nitura ang Letran sa kanyang 12 points kasunod ang tig-pitong marka nina Joralyn Panangin at Carlyn Tizon sa torneong suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
Bumangon ang mga Aussies mula sa isang six-point deficit, 6-12, sa third set para kumpletuhin ang kanilang straight-set win sa Lady Knights.
Nakatabla ang Letran sa 18-18 kasunod ang pagsasanib-puwersa nina Pila, Hannagan at Mayra Pacioni para sa 24-18 bentahe ng SSM.
Matapos umiskor si Reeza Abayon ay natawagan ng net touch violation ang Lady Knights na tuluyan nang sumelyo sa panalo ng mga Aussies sa torneong itinataguyod din ng Jetour, Baic, Eurotel, Victory Liner Rent & Go, F2 Logistics, Summit Natural Drinking Water, PusoP.com at Smart Sports.
- Latest




















