Driver ng Koreano, dakma sa carnapping
MANILA, Philippines — Arestado ang personal driver ng isang Korean national sa diumano’y gawa-gawang ‘flash alarm’ at pakikipagsabwatan sa dalawa pang suspek na nagpakilalang police officers na tumangay ng van, sa Pasig City, noong Huwebes.
Sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO), inaresto ng Ortigas Police Sub?Station 1, ang 57-anyos na driver at nahaharap na sa reklamong paglabag sa Republic Act No. 10883 (New Anti?Carnapping Act of 2016).
Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-7:30 ng gabi ng Hulyo 9, 2026, ang 43-anyos na Korean—real estate consultant at kasintahan nito ay kumain sa isang restaurant, habang nanatili sa van ang suspek na driver sa Escriva Drive, Barangay San Antonio, Pasig City.
Alas-9:13 nang makatanggap ng text message ang amo mula sa driver na nagsasabing “callback” at nang tawagan, isang boses ng lalaki ang sumagot, nagpakilalang pulis at sinabihan na naka-“flash alarm” ang sasakyan at kailangang dalhin sa police station para sa verification.
Hindi na bumalik ang sasakyan at sa follow-up operation, at pakikipag-ugnayan sa Anti?Carnapping Unit (ANCAR), natuklasan na peke at ginamit lang na diskarte ng mga suspek ang “flash alarm”.
Agad na inaresto ang driver, habang patuloy pang iniimbestigahan ang dalawang kasabwat. Hindi pa narerekober ang sasakyan ng biktima.
- Latest


















