Higit P3 milyong shabu nasamsam ng BOC-NAIA

MANILA, Philippines — Nasabat ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang dalawang parcel na naglalaman ng humigit-kumulang 505 gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu na nagkakahalaga ng tinatayang P3.43 milyon sa isinagawang pagsusuri sa Central Mail Exchange Center (CMEC) noong Hunyo 16, 2026.
Agad na nakipag-ugnayan ang BOC sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), at iba pang kinauukulang ahensiya upang magsagawa ng pagsusuri, imbentaryo, at dokumentasyon ng mga ebidensya.
Agad ding inaresto ang isang claimant na umano’y tatanggap ng mga parsela at isinailalim sa karagdagang imbestigasyon.
Batay sa pagsusuri, nagpositibo sa methamphetamine hydrochloride o shabu ang mga nakumpiskang droga. Inihahanda na ang pagsasampa ng mga kaukulang kaso para sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kaugnay ng mga probisyon ng Customs Modernization and Tariff Act (RA 10863).
- Latest

















