David, aminado sa kabagalan!

Unang nakilala si David Licauco bilang 1st runner-up ng Mr. and Ms. Chinatown noong 2014. Ayon sa binata ay napilitansiyang sumabak sa show business dahil hindi pinapayagang lumabas ng kanyang mga magulang noon.
“Nag-artista ako dahil hindi ako pinapayagan ng mommy ko lumabas. Kunyari noong college, your friends will invite you. ‘Uy! David, punta tayo dito, labas tayo, bar tayo.’ Ang sinasabi ko sa mom ko before, ‘Ma, meron akong go-see, shoot, audition.’ Pero hindi naman talaga ako mag-audition. So ‘yon ang way ko para makalabas. But then, siyempre, ‘yung mommy mo maghahanap eh. ‘Oh, nasaan na ‘yung shoot mo?’ So kaya ako sumali ng Chinatown, nag-start ng modelling. Kasi hindi ako pinapayagan,” nakangiting kwento ni David sa amin sa Fast Talk with Boy Abunda.
Nasungkit ng binata ang Best in Active Wear at Best in Formal Wear awards noon kaya inakalang siya ang nagwagi sa naturang kumpetisyon.
“To be completely honest, I thought I won. Kasi siyempre ‘yung dalawang awards nakuha mo, tapos maganda ‘yung sagot ko (sa Q&A portion). So I really thought I won. Happy naman na nandito na ako ngayon, ‘di ba?” dagdag ng aktor.
Aminado ang Kapuso actor na medyo mabagal kumilos sa tunay na buhay. Para kay David ay talagang masipag naman siya pagdating sa mga ginagawang trabaho.
“Kita n’yo naman ako, kahit mukhang tatamad-tamad, relax-relax, totoo naman eh. But when I’m at work, I really work. For example, nagwo-workout ako, nagba-basketball ako, nasa taping ako. ‘Yung acting ko, hindi halatang tinatamad. Pero ‘yung real life ko, mabagal talaga akong gumalaw, chill lang ako,” pagtatapat ng binata.
Si David ay apo ng sikat na parapsychologist na si Jaime Licauco. Marami umanong natutunan ang aktor mula sa kanyang namayapang lolo.
“Noong tumanda na ako, I really tried my best na to pick up something from him, specifically meditation, being present, manifestation, intuition which I think na-apply ko rin sa pagnenegosyo ko,” pagbabahagi ng Pambansang Ginoo.
Posible umanong mayroong namana ng aktor mula sa kanyang lolo Jaime na talagang sikat na paranormal expert noon. Matatandaang sumailalim si David sa operasyon noong 2024 dahil sa sleep apnea.
“Akala ko before, ‘yung sleep apnea ko paranormal kasi binabangungot ka eh. Naalala ko, nakatingin ako sa wall tapos sinusuntok ko ‘yung wall eh. ‘Tigilan mo na ako,’ ganyan. But actually,wala naman kasing hangin sa wall eh. ‘Di ba ‘pag sleep apnea, kailangan mo ng hangin,” paglalahad ni David.
May 15, 2025 nang pumanaw ang lolo Jaime ni David. Sobrang proud umano ng namayapang lolo sa narating ng aktor sa industriya.
“Yeah, napanood niya ‘yung interview natin. Nakwento niya, ‘Uy! Na-interview din ako ni Boy.’ Pinanood niya ‘yung Pulang Araw, Maria Clara (at Ibarra), lahat, Tito Boy, pinapanood niya, lahat ng nasa Netflix ko pinapanood talaga niya,” pagbabalik-tanaw ng Kapuso actor.
(Reports from JCC)
- Latest

























