Gabbi at Khalil, secured na!
Ikinagulat ng netizens ang wedding photos nina Gabbi Garcia at Khalil Ramos na kumalat sa social media kamakailan. Marami ang nag-akalang biglaan ang pagpapakasal ng magkasintahan. Ikinasal sina Gabbi at Khalil sa music video ng Ben&Ben para sa kantang Duyan na napapanood na rin ngayon sa YouTube. “Actually, nakakatawa kasi ang dami ding nag-akala na totoo siya. But we made it clear that it’s really for the music video,” nakangiting pahayag ni Gabbi sa 24 Oras Weekend.
Kahit matagal nang magkarelasyon ay hindi naman daw nagmamadaling lumagay na sa tahimik ang magkasintahan. Sa ngayon ay hindi pa masabi ni Gabbi kung kailan aasahan ng mga tagahanga ang kanilang pag-iisang-dibdib ng aktor. “Tanungin natin si Khalil, ha-ha-ha! Alam mo ‘yon, parang we’re super secured naman sa isa’t isa na hindi namin kailangan magmadali, mag-worry, okay naman kami,” pagbabahagi ng Kapuso actress.
Samantala, nalalapit na ang Big Night ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0. Excited na si Gabbi bilang isa sa mga host sa mga mangyayari pa sa reality show.
KATHERINE, PAHINGA NA SA DROGA
Apat na taong nakulong noon si Katherine Luna dahil sa kasong may kaugnayan sa droga. Aminado ang aktres na talagang nalulong siya sa ipinagbabawal na gamot noon, at ngayon ay tuluyan nang tinalikuran ang gawaing ito. “Ngayon marami pong imbitasyon, marami pong nagyayaya sa akin. Isa lang po ang sinasabi ko, ‘Pasensya na, pass na ako. Subukan ko nang magbagong buhay. Gusto ko nang magbagong-buhay. Gusto ko nang magtuluy-tuloy umiwas.’ ‘Yon lang po, umiiwas ako unang-una,” kwento ni Katherine sa kanyang TikTok video.
Lubos ang pasasalamat ng aktres sa dating kasintahang si Coco Martin na siyang tumulong sa tuluyang pagbabagong-buhay ni Katherine. Napabalitang ang aktor at direktor ang nagpaabot ng tulong upang maoperahan ang mata ni Katherine noong isang taon.
“Kaya po kay Direk Coco at Ma’am Julia (Montes), taos-puso po akong nagpapasalamat sa kanila. Walang laman ang isip, ang puso ko ngayon kundi puro pasasalamat. Hindi ko sasayangin ‘yon,” giit niya.
Napabilang na rin ang anak ni Katherine na si Nicole Luna sa FPJ’s Batang Quiapo. Nakatutulong na rin ang dalaga sa pamilya dahil sa pagsabak nito sa show business. “Buong akala ko noon wala nang pag-asa. Pero heto ako ngayon, nabigyan ng isa pang pagkakataon sa tulong ng ating Panginoon at ng mga taong ginawa niyang instrumento para tulungan at iahon ako sa pagkakasadlak,” makahulugang pagtatapos ng premyadong aktres. (Reports from JCC)
- Latest






















