Mika, nagmakaawa sa MMFF movie ni Vice

Opisyal nang sinimulan kahapon ang pagpapalabas ng mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2025 sa mga sinehan sa buong bansa. Isa sa mga MMFF entry ang Call Me Mother na pinagbibidahan nina Vice Ganda at Nadine Lustre. Kabilang din sa bagong proyekto si Mika Salamanca. Masayang-masaya ang Kapuso actress dahil nakagawa ng isang pelikula sa kauna-unahang pagkakataon. Ayon kay Mika ay kinailangan niyang tanggihan ang isa pang alok upang magawa ang naturang pelikula.
“I wouldn’t choose any better or any other way to have my first ever movie. Naalala ko pa no’ng paglabas namin ng Bahay ni Kuya, sabay na dumating ‘yung dalawang offer. Isang MMFF movie na may lead role, at ang Call Me Mother. At malinaw pa rin sa akin ang sinabi nina Kuya Jan (talent manager ni Mika). Hindi ko pwedeng tanggapin ang lahat, isa lang ang pwede,” kwento ni Mika.
Ayon sa dalaga ay talagang nakiusap siya sa production team upang mapasama sa naturang pelikula. Kahit abala sa kabi-kabilang proyekto ay talagang sinikap ni Mika na mapabilang sa Call Me Mother.
“Naalala ko ring nakiusap talaga ako sa mga manager ko na ituloy ang movie with Meme Vice kahit anong mangyari. Kahit wala nang matirang oras para sa pahinga o day off, matuloy lang ang Call Me Mother. Hanggang sa look test, nagmakaawa pa ako sa production na huwag akong alisin sa line-up ng artists,” pagbabalik-tanaw ng dating Pinoy Big Brother housemate.
Lubos ang pasasalamat ni Mika sa lahat ng mga patuloy na sumusuporta sa kanilang pelikula. Makahulugan para sa dalaga ang Call Me Mother bilang kanyang unang film project.
“Para sa mga supporters na lagi kong nakikita, mapa-eroplano man o lupa, maraming, maraming salamat. Hindi biro ang ginagawa ninyo. Habang naglalako kami ng pelikula, naglalako rin kayo kasama namin. Sobrang yabang ko kapag nakikita ko kayo. Mahal na mahal ko kayo. Asahan ninyo na parte kayo kung bakit namin ginagawa ang lahat ng ito,” makahulugang paglalahad ng aktres.
Carla, malapit nang mag-share ng wedding details
Kamakailan ay napabalitang engaged na si Carla Abellana sa kanyang non-showbiz boyfriend. Hangga’t maaari ay magiging pribado muna raw ngayon ang Kapuso actress sa mga detalye ng nalalapit na kasalan. Sinisiguro ni Carla na makapagbibigay rin siya ng detalye ng kanilang pag-iisang-dibdib sa takdang panahon.
“We’ll share naman definitely everything. Ang hirap ng overwhelmed ka, overjoyed, tapos hindi mo mailabas,” nakangiting pahayag ni Carla sa 24 Oras.
Matatandaang nag-post ang Kapuso actress sa Instagram account noong Dec. 1 ng larawan ng kanyang kamay na suot ang engagement ring at kahawak ang kamay ng nobyo.
“Gusto ko makita nila ‘yung happiness talaga, ma-share ko ‘yung happiness na ‘yon. So ise-share natin ‘yan,” dagdag pa ng aktres. — Reports from JCC
- Latest























