Donny at Kyle, nagkasakitan?!

Pasabog ang maaaksyong eksena nina Donny Pangilinan at Kyle Echarri sa kanilang pakikipagsapalaran sa isang malaking iskandalo ng pangho-hostage sa pinakabagong action-drama serye ng ABS-CBN na Roja.
Una itong mapapanood sa Netflix simula Nobyembre 21 (Biyernes) at sa iWant simula Nobyembre 22 (Sabado), at magiging available rin ito sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5 sa Nobyembre 24 (Lunes) ng 8:45 p.m.
Parehong magaling sa martial arts at sa pakikipagbakbakan ang mga karakter nina Donny at Kyle kung saan isang head chef si Liam (Donny), at si Olsen (Kyle) naman ay isang palaban na miyembro ng security team ng resort.
At aminado sila na binigay nila ang lahat, as in pinush talaga their limits at sila mismo ang sumabak sa stunts.
Oo nga raw at may double sila ayon kay Kyle pero karamihan ay sila mismo ang gumagawa ng mga delikadong eksena.
Ayon naman kay Donny, inaaway na siya ng kapatid niya dahil nga talagang sumabak sila sa mga delikadong eksena na sabi naman ng actor ay kinakaya nila.
Hindi rin daw sila natakot dahil nag-training sila sa martial arts – jiu-jitsu at arnis.
Pinag-aralan din daw nila kung paano mag-shoot at maglakad sa paligid ng baril pero ang ending ay nagkasugat-sugat pa rin si Donny, parang naging battle of scars daw actually, ayon sa interview sa dalawang bida ng palabas na nagkaroon ng special preview noong isang gabi sa Trinoma.
Tanggap niya na bahagi ‘yun ng trabaho nila bilang isang actor.
Literal na blood, sweat and tears ang puhunan nila rito, ayon kay Kyle.
Kaya marami aniyang pwedeng abangan sa nasabing palabas.
Iikot ang kwento ng Roja sa dating mag-best friend na ngayon ay magkaribal na sina Liam at Olsen.
Kasama rin nila sa serye si Maymay Entrata bilang si Luna, ang best friend ni Liam na kabilang din sa culinary staff.
Malalim ang magiging lamat sa relasyon ng dalawa dahil mapupuno ng hinagpis ang puso ni Liam nang malaman niyang may kabit (Yassi Pressman) ang tatay niya (Raymond Bagatsing) at matagal na pala itong kinukunsinti ni Olsen.
Kasabay ng alitan nina Liam at Olsen, magiging mala-bilangguan naman ang engrandeng island resort na La Playa Roja dahil sa pangho-hostage ng isang kahina-hinalang grupo ng mga armadong indibidwal sa pangunguna ng mga karakter nina Yassi at Joel Torre. Malalagay sa panganib ang buhay ng mga resort staff pati na rin ang mga bisita na kinabibilangan ng mga kilalang personalidad at mayayamang tao.
Dahil sa krisis, mapipilitan sina Liam at Olsen na isantabi ang alitan at magtulungan na pabagsakin ang kalaban.
Madadamay rin sa gulo ang kanilang mga pamilya na malalim na rin ang pinagsamahan – ang mga magulang ni Liam na ginagampanan nina Raymond at Lorna Tolentino, at ang nanay ni Olsen na ginagampanan ni Janice de Belen.
Kabilang din sa cast ng Roja sina Sandy Andolong, Robert Seña, Nikki Valdez, Cris Villanueva, Zia Grace, Bernard Palanca, Marc Abaya, Gello Marquez, Harvey Bautista, Lou Yanong, Kobie Brown, Benedict Cua, Iñigo Jose, Maika Rivera, AC Bonifacio, Emilio Daez, Xilhouete, Kai Montinola, Rubi Rubi, Sophie Reyes, Rikki Mae Davao, Inka Magnaye, Vangie Castillo, Levi Ignacio, Floyd Tena, Rans Rifol, Igi Boy Flores at Raven Molina.
Mula ito sa direksyon nina Lawrence Fajardo, Rico Navarro, Andoy Ranay at Raymund Ocampo.
Mas mauuna sana itong ipalabas kesa sa The Alibi nina Paulo Avelino at Kim Chiu pero hindi agad natapos dahil sa Bicol pa sila nag-taping, sa Misibis Bay.
By the way, suportado naman ni Belle Mariano ang nasabing preview ng Rajo.
- Latest





















