Jericho, iniikotang mga block screening!

Sunud-sunod ang mga block screening ng pelikulang Quezon.
Kaya kahit paano, na-maintain ang kita nito sa takilya umpisa nang magbukas sa mga sinehan noong Miyerkules.
Nag-post ang TBA Studios na itong Quezon nga raw ang No. 1 movie in the country – “Biggest opening movie this week.”
Maituturing nga namang biggest movie sa linggong ito, dahil hindi naman ganun kalakas ang mga kasabayang pelikula.
Tuluy-tuloy pa rin ang block screenings sa ibang sinehan, na inikot ng cast sa pangunguna ni Jericho Rosales.
Medyo emotional pa siya sa ilang sinehang pinuntahan niya.
Sabi pa ng aktor sa kanilang social media post, “We are grateful. We are so honored.
“Cinema is a part of our lives.
“Filipinos, andito ang kultura natin. Nandito ang ating kasaysayan.”
Sana ma-maintain pa at tuluy-tuloy pa rin ang panonood lalo na ang mga estudyante na binigyan ng special price ang ticket na P250.
Sabi nga nila, napapanahon ang showing ng Quezon sa pinagdaraanan ng ating bansa.
Isa nga sa naitanong kay direk Jerrold Tarog, kailangan ba natin ng bayani sa panahon ngayon?
Aniya, “Definitely we need good leaders pero I think we need more good citizens than good leaders.
“Kasi, hindi naman mangyayari iyong mga nangyari ngayon kung… if we don’t hold people accountable. So it always starts with kabayanihan in ourselves.”
At maganda ring malaman ng mga kabataan ngayon kung sino at anong klaseng tao talaga ang mga dinadakila nating bayani.
“It’s all in the books din naman kasi, e. So parang hindi lang kasi siya napag-uusapan.
“So we’re hoping na ito ‘yung isang way para mahikayat pa ‘yung mga tao na magbasa rin, hindi lang manood ng pelikula.
“Kasi, karamihan ng mga nilagay namin, nasa libro rin,” sabi pa ni direk Jerrold na umaasang papanoorin talaga itong Quezon para makilala nila kung anong klaseng lider si Manuel L. Quezon.
Ang unang ibinalita noon ng TBA Studios ay ito na raw ang huling Bayaniverse na gagawin nila.
Pero ang latest na narinig namin, mukhang may gagawin pa raw silang isa.
Totoo kayang ang kuwento naman ni Ramon Magsaysay ang susunod nilang proyekto?
Alessandra, kakaiba ang style sa pagdidirek
Pagkatapos ng Quezon, sa susunod na linggo ay kakaibang pelikula naman ang ipalalabas sa mga sinehan.
Sa Oct. 22 na magso-showing ang Everyone Knows Every Juan, na bale second directorial job ni Alessandra de Rossi.
Isa sa cast nito ay si direk Gina Alajar na natutuwa sa na-achieve ni Alessandra bilang director.
Naalala pa raw niyang naidirek daw niya si Alessandra sa Kirara noong bagets pa ito, baka 14 o 15 years old pa lang daw siya noon. Pero nakitaan na raw niya ng galing ang naturang aktres.
Ngayon ay ididirek na siya at nang malaman daw niya ang style ng pag-shoot nila ng pelikula, kinabahan daw siya.
Pero ang cool lang daw na direktor ni Alessandra.
“Alam mo ‘yung salita nating ‘tuhog’ ‘pag nagte-taping o ‘pag nagso-shooting,” pakli ni direk Gina.
Itong Everyone… ay ginawa raw nila ang take na dire-diretso at walang cut.
Kapag may nagkamali, ika-cut ito, at babalikan daw nila sa simula. Hindi ‘yung iku-cure lang ang tagpong may mali.
Hinati raw nila ang shooting ng day at night effect.
‘Yung day effect daw nila ay may 39 sequences na kukunan nila nang dire-diretso. Isang mahabang ‘tuhog’ nga raw ito.
May apat na araw daw silang rehearsals lang.
Ganundin daw ang ginawa nila sa night effect na tuluy-tuloy rin nilang kinunan ‘yun na walang cut.
“Ang running time ng night effect is 30 minutes,” sabi pa ng actress-director.
Mahirap daw talaga dahil iniiwasan nilang magkamali, para hindi sila babalik uli sa sinimulan nilang eksena.
“Kasi siyempre, halos lahat kami senior citizen e, you know. Siyempre, let’s say 39 sequences, parang stage play.
“So parang kaya pa ba natin ‘yun ma-memorize na walang cut? Baka mamaya magkamali-mali tayo, ‘yun ‘yung fear ko.
“‘Yung fear ko mas para sa sarili ko. Baka magkamali ako, baka hindi ko kayanin, baka ako maging cause of delay.
“Baka ako magkamali at cause ng paulit-ulit na take. Dahil lagi akong nagkamali na makalimutan ko ‘yung linya ko. ‘Yun ‘yung takot ko,” patuloy na salaysay ni direk Gina.
Mabuti at maayos daw ang pag-handle sa kanila ni Alessandra, at hindi sila pine-pressure.
Awa ng Diyos sabi ni direk Gina, nagawa raw nila ang day effect na may 39 sequences ng tatlong takes na hindi naman nila pagkamamali, kundi may technical glitches lang daw.
‘Yung night effect ay nagawa raw nila ng isang take lang.
Kaya naku-curious kami kung ano ang kalalabasan ng pelikulang ito.
- Latest


























