Maja, guguluhin si Kathryn

Pasabog ang pagbabalik-Kapamilya teleserye ni Maja Salvador kung saan pagbibidahan din niya ang inaabangang primetime serye ng ABS-CBN.
Makakasama ni Maja sa naturang proyekto ang dalawa pang bigating artista na sina Kathryn Bernardo at James Reid.
Kinumpirma ito ng Dreamscape Entertainment kahapon (Setyembre 5) sa isang video na pinost sa social media kung saan nasa isang photoshoot sina Maja, Kathryn, at James at may caption na, “Someone is going to mess with them.”
Natuwa naman ang fans sa balita dahil matagal na nilang inaabangan ang pagsasama-sama ng tatlong bigating stars sa isang primetime teleserye.
Katulad nina Kathryn at James, magsisilbi rin itong Kapamilya teleserye comeback ni Maja pagkatapos ng The Killer Bride noong 2019 at nagkaroon din siya ng special guest appearance sa The Iron Heart noong 2022.
Una nang inanunsyo ng serye ang pagtatambal nina Kathryn at James kung saan nagtala ang video teaser ng higit 3.5 milyong views sa loob ng 24 oras.
Sa pagbabalik ni Maja sa ABS-CBN, ibang-iba na ang buhay niya.
May anak na sila ni Rambo Nuñez, si Maria, na one year old na.
Aniya sa aming interview sa contract renewal partnership niya sa kumpanya ni Ms. Rei Tan, Beautederm Corporation, ilang buwan na rin ang nakalipas, nakumpleto ang buhay niya sa anak na hindi siya pinahirapan sa pagbubuntis bagama’t nakaranas din siya ng postpartum depression.
“Nung dumating si Maria, sabi ko ‘parang ‘di muna ako magtratrabaho. Kaya ko naman, eh. Parang ‘yung ang tagal mong pinangarap, pangarap ko talaga, so ‘yung priorities mo sa life, parang lahat, lahat ng desisyon mo, lahat ng decision making mo, parang kahit ‘di pa sumasagot si Maria, titingnan mo lang siya, siya ‘yung makakasagot,” sabi niya that time.
“Kaya nung may inquiries na po tayo, if kelan ako pwedeng mag-work na ulit, ganyan, kunwari paggawa ng movies, at saka mga TV series, sabi ko ‘antayin ko lang mag-one year old ‘yung anak ko’ kasi syempre ang tagal kong pinangarap tapos hindi ko, ‘di ba, makikita ‘yung mga milestones niya. So ‘yon sabi ko miss ko nang mag-work pero pinangarap kong maging mommy at binigay sa akin ngayon ‘to kaya ayun, hindi ako nagmamadali,” sabi niya at ito na nga tumanggap na siya ng trabaho.
Ang hindi pa lang nila kayang gawin ay ipakita ang mukha ni Maria sa social media hanggang ngayon.
Kung ang ibang parents nga ay may social media account agad ang anak, sila ng mister niya ay ‘di pa rin pinapakita ang hitsura ng anak.
Sa kasalukuyan naman ay wala nang binabanggit si Maja tungkol sa talent management group nila ng mister.
- Latest























