Gerald, may throwback sa kanila ni Kim

Kim Chiu at Gerald Anderson

Ikinatuwa ni Gerald Anderson ang pagiging matagumpay ng seryeng Linlang na pinagbidahan nina Kim Chiu, JM de Guzman at Paulo Avelino. Madalas na pinag-uusapan sa social media ang mga eksenang napanood sa naturang online series. Para kay Gerald ay nararapat lamang na magbunga ng maganda ang lahat ng mga pinaghirapan ni Kim sa katatapos pa lamang na proyekto. “She works really hard. ‘yung success na meron siya ngayon, she deserves it,” makahulugang pahayag ni Gerald.

Matatandaang unang nagkakilala sina Gerald at Kim nang maging housemates sa Pinoy Big Brother Teen edition noong 2006. Si Kim ang naging Big Winner ng naturang season ng PBB.

Mula noon ay pumatok na sa mga tagahanga ang tambalan nina Kim at Gerald sa mga mga proyektong ginawa. “Paglabas namin ng Bahay ni Kuya, may ginawa kami ni Kim na Love Spell. Kami unang episode, tapos pumasok kami sa isang teleserye, pinasok kami sa set. Basta pinalabas unang episode mataas ang rating,” pagbabalik-tanaw ng binata.

Apat na taon naging magkasintahan sina Gerald at Kim.

Naging kontrobersyal ang hiwalayan ng dalawa noong 2010.

Muling nagkatrabaho sina Kim at Gerald noong 2017 para sa seryeng Ikaw Lang Ang Iibigin.

Maymay, may gustong ipaglaban

Isang bagong kanta ang nakatakdang ilunsad ni Maymay Entrata sa pagpasok ng 2024. Matatandaan na talagang pumatok ang kantang Amakabogera na nailunsad noong 2021.

Ayon kay Maymay ay kailangang pakaabangan ng mga tagahanga ang bago niyang awitin. “Excited ako next year, kinompose ko, idea ko, nasimulan ko pero dahil sa talented na tao, nabuo siya. Excited ako to share it. Sobrang important, nagsimula pagpili ko ng proyekto na maging maganda impact sa kabataan at sa mga taong nagpa-followup sa akin,” pagbabahagi ni Maymay.

Para sa aktres ay talagang maganda ang mensahe ng mga kantang kanyang ginagawa.

Kung mabibigyan ng pagkakataon ay gusto rin ng dalaga na makausap ang mga walang-sawang sumusuporta sa kanya. “Gusto ko ilaban platform ko to empower people, accept their flaws, their own beauty. Nagsimula sa Amakabogera, I said sana set tayo ng meeting para alamin laman ng puso ko. ‘Yung message ko lagi gusto ko, whether I produce or sing it,” paglalahad ng dalaga. — Reports from JCC

Show comments