I Juander, 10 taon na!

MANILA, Philippines — Isang dekada na ang I Juander! At bilang pagdiriwang ng ika-10 taong anibersaryo ng programa, samahan sina Susan Enriquez at Mark Salazar sa two-part specials nito ngayong Dec. 12 at 19 sa GTV.
Sa loob ng maraming taon ay mas pinukaw pa nga ng programa ang pagiging mapag-usisa ng mga Pinoy. Mula sa pagkain hanggang sa mga travel destination at kasaysayan ng bansa–anumang paksa, basta tungkol sa pagiging Pinoy, sagot ng I Juander ang tanong ng bayan!
“Nakaka-inspire na umabot na sa isang dekada ang programa. Patunay lamang na patuloy na tinatangkilik ng mga manonood ang makabuluhang kaalaman at impormasyon na inihahatid ng I Juander,” pagbabahagi ni Susan. “Taos pusong pasasalamat sa mga loyal ka-Juander dahil kung hindi sa pagtangkilik ninyo ay hindi tayo aabot sa isang dekada,” dagdag pa niya.
“Ang bayan ni Juan ay binubuo ng napakaraming ibat ibang pamayanan, kultura at tradisyon. Hindi sapat ang isang dekada para kilalanin silang lahat. Asahan n’yong ipagpapatuloy ng I Juander ang paglibot sa mga rehiyon para kilalanin ang mga komunidad, unawain ang kanilang mga kultura at tikman ang kanilang hinahain,” saad naman ni Mark.
Ngayong Linggo, samahan sina Susan at Mark na tuklasin ang mayamang kultura, pasyalan ang magagandang beach, at tikman ang masasarap na putahe ng tinaguriang Philippine’s Southern Gateway – ang Zamboanga City.
Bibisita ang programa sa Santa Cruz Island kung saan matatagpuan ang ipinagmamalaking pink beach ng Zamboanga. Noon ngang 2017, kinilala lang naman ito ng National Geographic bilang isa sa pinakamagagandang beach sa buong mundo.
Samantala, kabilang sa maraming impluwensya ng mga Espanyol sa probinsya ang masarap at lokal na bersyon ng paella, ang Paella Chavacana. Ipapakita ni Chef Atlee ang orihinal na recipe na mula pa sa kanyang great grandfather na kusinero ng mga Kastila at Amerikano noong panahon ng World War II.
Dahil naman sa giyerang nangyayari sa Basilan, kinailangang magsimulang muli ng mga Yakan sa Zamboanga. Nabuhay sila sa pamamagitan ng kanilang talento sa paghahabi. At ngayong pandemya, patuloy silang bumabangon sa muling pagbubukas ng Yakan Village. Ilan sa kanilang ibinibida ay ang Yakan Dolls at Yakan makeup na gawa ng 79 na taong gulang na si Apo Jahlinan.
Magkaroon din ng pagkakataong makatikim ng mga tradisyunal na putahe ng mga katutubong Tausug gaya ng “tiyula itum,” “pipino” at “chicken piyanggang” na ang pangunahing sangkap ay sunog na niyog.
Panoorin ang I Juander ngayong Linggo, 7:45 p.m. sa GTV.
- Latest





















