Ted Failon tututukan ang pambu-bully sa eskuwelahan
MANILA, Philippines - Talamak na ring nagaganap ang pambu-bully sa mga paaralan sa Pilipinas gaya ng ilang napapanood sa mga programa at pelikula mula sa Amerika. Bibigyang linaw ni Ted Failon ang kahulugan ng salitang bully at aalamin ang tindi ng pananakit o minsa’y karahasang dinaranas ng mga nabu-bully sa isa na namang makamulat-matang episode ng Failon Ngayon.
Maraming iba’t ibang rason kung bakit nakararanas ng bullying ang kabataan ngayon, kabilang dito ang estado ng buhay, pisikal na kaanyuhan, at maging pisikal na kapansanan na siyang dahilan para maging biktima ang 20-year-old na si Peter Bea.
Taong 2005 nang dinapuan si Peter ng sakit na meningitis at napilitang tumigil sa pag-aaral. Maraming naging epekto ang kapansanan ni Peter sa kanyang katawan, kabilang na dito ang pagiging paralisado ng kalahati ng kanyang mukha.
Nang muling bumalik sa pag-aaral si Peter, mas matindi ang pang-aapi at pangungutya na kanyang dinanas. Maliban sa mga masasakit na salita at bansag, matinding pisikal na pananakit din ang tiniis ni Peter mula sa kanyang mga mapang-aping kaeskuwela.
Kung si Peter, biktima ng bullying, ito namang si “Alex,” naging hobby na yata ang mang-alaska ng mga kaklase.
Sino ang madalas na napupuntirya ng mga kabataang naaasar sa eskuwela? Ano ba ang ginagawa ng mga paaralan para matigil at magkaroon ng takot mam-bully ang kanilang mga estudyante?
Maging bahagi ng solusyon at aksiyon ngayong Sabado (Sept. 10) sa Failon Ngayon, 4:45 ng hapon, pagkatapos ng ABS-CBN News and Current Affairs Special Report.
- Latest





















