Mark Anthony hindi sinipot ang sariling presscon
Ang itinuturing na original Philippine Movie Queen na si Gloria Romero na sa matagal na panahon ay isang Kapamilya ay mapapanood na sa kanyang first appearance sa isang teledrama ng Kapuso Network. Pinamagatang Munting Heredera, tungkol ito sa paghahanap ng isang lola, si Doña Anastacia (Gloria ) na isang mayaman at matagumpay na negosyante sa kanyang nag-iisang tagapagmana.
Tatlong batang babae ang darating to claim to be her heir (Barbara Miguel, Kyle Daniel Ocampo, Mona Louise Rey). 
Bukod sa gumaganap ng mga major characters sa istorya, kasama rin sa napakalaki at powerful cast sina Gabby Eigenmann, Luz Valdez, Leandro Baldemor, Ynez Veneracion, Neil Ryan Sese at iba pa.
Si Maryo J. delos Reyes, direktor ng mga popular at magagandang pelikulang Magnifico at Kamoteng Kahoy, ang direktor ng Munting Heredera.
Hindi man aminin ni Direk, binubuhay niya ang mga natutulog na karera nina Leandro at Ynez.
“Naniniwala ako sa kasabihang once an actor always an actor. Anuman ang ginagawa ng mga artistang hindi na aktibo sa pag-aartista ngayon, artista pa rin sila. Maaring gusto pa rin nilang balikan ang trabaho nila at naghihintay lamang sila ng pagkakataon. Tulad nina Leandro at Ynez,” paliwanag ng magaling na filmmaker.
Bagaman at isinisisi ng lahat na dumalo sa presscon ang matagal na pagkabalam nito sa hindi pagdating ni Mark Anthony, walang masasabing masama si Direk Maryo sa kanyang bida sa serye.
“I love him with a passion. Wala siyang malasadong ginawa sa akin o sa produksiyon ko. Nakatrabaho ko na in the past sina Nora Aunor at Vilma Santos. Ano pang sakit ng ulo ang maibibigay niya sa akin? Bahagi ng trabaho ang mga ganitong problema. Masyadong maliliit ang mga ito para makaapekto sa relasyon ko sa aking mga artista,” pagtatanggol niya sa sinasabing nagiging problema sa anak nang namayapang si Rudy Fernandez.
Hindi eksklusibo sa Siete si Direk Maryo.
“Parang mga prostitutes kaming mga direktor. I love the privilege to do projects with every networks, every film outfits. May gagawin din ako sa TV5 pero tatapusin ko muna ang mga ginagawa ko sa GMA.
Tinanggihan niya ang Sisid ni Jackie Rice dahil ang tubig ay hindi niya area of specialization. “Mas gusto kong idirek yung istorya na nasa lupa,” katuwiran niya.
Chairman Poe maganda ang trabaho
Maganda ang trabaho na nakikita nating ginagawa ni MTRCB Chairman Grace Poe Llamanzares. Kasabay ng paglalabas nila ng mga bagong pamantayan o TV ratings system ang pagpapataw sa programang Willing Willie ng isang buwang suspensiyon.
Makakabalik lamang ito sa ere sa Mayo 9.
Sinabi pa rin ng masipag na namumuno ng MTRCB na tatangkain nilang imbitahan ang mga namumuno sa industriya ng local entertainment para makabuo ng malinaw na guidelines sa kung ano ang puwede at hindi, at hindi ‘yung basta magpapasa na lamang sila ng mga regulasyon na direktang makakaapekto sa kanila.
Matapos magreklamo ng pangongotong
Arnell Ignacio maraming death threats
Kawawa naman si Arnell Ignacio. Siya na nga ang nakatanggap ng hindi magandang trato sa kapulisan at ngayong ipinaglalaban niya ang kanyang karapatan ay nakakatanggap siya ng mga pananakot na talagang nakakaapekto sa kanya. “Pero wala naman akong magagawa kundi i-pursue ang kaso kasi wala akong nararamdamang remorse sa kanila. Kahit sa totoo lang balot ako ng takot at sa kauna-unahang pagkakataon, nagulo ang buhay ko,” anang komedyante.
- Latest





















