Mark ininggit si Patrick, libreng nakakarga ang anak ni Jennylyn
Nakausap namin si Sheena Halili sa press interview para sa Bakasyonista episode ng Dear Friend na magsisimula sa June 14. Ang tsismis na may sex video rin siya kay Dr. Hayden Kho na nakasama niya sa Marimar ang una naming itinanong.
Alam na ni Sheena ang kumakalat na tsismis dahil may nagsabi na sa kanya at nagulat siya kung bakit siya napasama sa isyu. Naka-trabaho nga niya si Dr. Hayden, pero hindi siya close rito at sa taping lang sila nagkikita na hindi madalas. Sigurado si Sheena na hindi siya kasama sa mga nabiktima ni Dr. Hayden. “Not true” ang maikli nitong sagot at ipinarating na hindi niya nagustuhan ang ginawa nito kay Katrina Halili na malayo niyang kamag-anak.
Samantala, tinutukso sina Sheena at ex nitong si Rainier Castillo na kapareha niya sa Bakasyonista . Ayaw nitong pangunahan ang mangyayari kung magkakabalikan sila, as of now, okey sa kanya na nagkaroon sila ng closure.
* * *
Tama kaya ang hinala ni Eula Valdez na may kinalaman si Lotlot de Leon sa tsikang may relasyon uli sila ng ex-husband ni Lotlot na si Ramon Christopher? Tsika ni Eula, si Lotlot at ang grupo lang nito ang nakakita sa kanila ng actor na magkasama sa Metrowalk kamakailan.
Gigil na gigil pa rin si Eula sa isyung ‘di totoo at kung nagtanong lang daw si Lotlot, malalaman nitong galing sila ni Monching sa meeting ng Bagets Foundation at nagkayayaang dumaan sa Metrowalk, kaya magkasunod silang dumating, pero magkahiwalay ang sasakyan.
“Ano naman ang isyu kung nakita kaming magkasama ni Monching? Sa akin, ‘pag ex ko, ex na talaga. Dati, ‘pag nagkikita kami ni Lotlot, tawagan kami sa full name namin, ngayon, deadmahan na. Si Monching natatawa lang, pero sinabihan kong idepensa naman niya ako. Kaya ‘pag guest si Lotlot sa TV, tumututok talaga ako at baka may sabihin tungkol sa akin at sasagutin ko talaga,” wika ni Eula.
Two years naka-relasyon ni Eula si Monching, pero hindi ito ang dini-date niya ngayon, kundi isang model. Alam ito ng husband niya at ang katuwiran nito, nagdi-date rin naman ang asawa niyang sa abroad nagta-trabaho. Darating ito sa June 27, at magkakaalaman na kung ano ang mangyayari sa kanilang relasyon.
Samantala, nagtapos kahapon ang All About Eve at Rosalinda ang next project ni Eula. Busy din siya sa Bagets Foundation, Inc. at happy ang grupo sa pamumuno ni Quezon City Vice Mayor Herbert Bautista dahil sa pagga-graduate ng six scholars na kanilang tinutulungan. Ang isa sa kanila, si Leory Azcarraga ay nagtapos na Magna Cum Laude sa PUP.
* * *
Nahihilig sa photography si Mark Herras at kahit saan magpunta ngayon, nakasabit sa leeg ang kanyang camera. Lahat daw kinukunan niya, wala pa siyang favorite project at sa tanong namin kung sino ang gusto niyang kunan ng litrato? “Si Dr. Hayden” ang pabirong sagot.
Hindi rin nawawalan ng project sa GMA-7 si Mark dahil after Paano Ba Ang Mangarap? nila ni Jennylyn Mercado, mapapanood siya sa Bakasyonista episode ng Dear Friend kapareha si Isabel Oli at kasama ang ex niyang si Ryza Cenon na idinenay siya. Ha-ha-ha!
Nakuwento pala ni Mark na nag-usap sila ni Patrick Garcia nang mag-guest sa S.O.P. si Patrick. Siya ang lumapit dito at ibinalitang malaki ang hawig ni baby Jazz sa kanya. “Oo nga” lang ang sagot ng actor. Nag-dialogue rin si Mark na sana dumating ang araw na makarga ni Patrick ang anak kay Jennylyn dahil siya bilang ninong ay libreng nakakarga ang bata.
* * *
Pinili ni direk Joey Reyes na masama sa cast ng George and Cecil si Dionne Monsanto dahil naniniwala siya sa husay nito at magiging magaling na character actress. Sa comedy show, ginagampanan ng dalaga ang role ng kaibigang policewoman ni George (Judy Ann Santos) at misis ni Archie Alemania na kaibigan niya.
Flattered si Dionne sa narinig na papuri galing kay direk Joey at nagbirong napi-pressure siyang galingan pa ang acting para hindi ma-disappoint sa kanya ang director at ang ABS-CBN para pagkatiwalaan pa siya ng ibang projects.
Nagulat lang si Dionne dahil sa presscon lang nalamang bawal ang boyfriend sa taping at sa nalaman, hindi na siguro niya madalas papupuntahin ang nobyo.
- Latest



















