^

PSN Showbiz

Ogie, di takot sumabay kay Regine!

- Veronica R. Samio -
Siguradong mabubuhay na naman ang tsismis kina Ogie Alcasid at Regine Velasquez dahil palagi na naman silang makikitang magkasama dahil mayroon silang isang Valentine concert na ipu-promote at paghahandaan.

Pinamagatang The Songbird and The Song Writer, dalawang gabi itong mapapanood, una sa Pebrero 14, Araw ng mga Puso, sa Expo Filipino sa Clarkfield, Pampanga at sa Pebrero 15 sa Araneta Coliseum.

Sinabi ng dalawang matagal nang magkaibigan pero first time na magkakaroon ng isang back-to-back major concert. "Dati, guest lang kami sa kanya-kanyang concert at paborito niya akong guest," ani Regine na natural lang kung pagtsismisan silang muli. Lagi naman daw ganito. Ang mahalaga, kailanman ay hindi naapektuhan ang kanilang friendship at maging ang pamilya ni Ogie, ang mag-iina niya sa Australia ("Nung una lamang namin ito pinag-usapan ni Michelle, pati yung kissing scene namin ni Regine pero, hindi na ngayon," ang sabi ni Ogie).

Bukod sa sina Ogie at Regine ang mga stars of the show, silang dalawa pa rin ang nag-isip ng konsepto ng concert at silang dalawa rin ang magdi-direct. Produksyon ito ng Viva Concerts at line produced ng Aria Productions. Musical director si Raul Mitra at TV director si Louie Ignacio.

Sa panayam sa dalawa, sinabi ni Ogie na ang sikreto ng matagumpay nilang tandem ay ang pangyayaring hindi siya natatakot makipagsabayan ng kanta kay Regine. "Yung iba may takot na makipag-duet sa kanya, siguro intimidated sila dahil napakataas ng boses ni Regine pero, ako hindi. At nakita ko naman na kapag magkasabay kaming kumakanta ay hinihinaan niya ang boses niya para marinig ang boses ko," ani Ogie.

Gagawing kakaiba ng dalawa ang The Songbird and The Song Writer na sa ngayon ay wala pa silang mga guest pero, kinokonsider na ang Sex Bomb at ang Sex Balls.
* * *
Birthday ni Les Reyes, owner at franchise holder ng Reyes Haircutters, kahapon, Martes, Enero 13 at sa halip na humingi ng gift ay mga donasyon ang hiniling niyang ipagkaloob sa kanya bilang regalo ng kanyang mga kamag-anak at kaibigan. Ito ay in the form of cash, rice, tin food, mga damit, medicines, dextrose, atbp. na ibabahagi naman niya sa mga charitable institutions na taun-taon ay bahagi sa selebrasyon ng kanyang kaarawan.

Kapuri-puri ang gawaing ito ni Les na bagaman at di pa nakaka-recover sa naging pagkamatay ng kanyang anak sa kamay ng isang snatcher ay patuloy pa rin sa kanyang gawaing pagkawanggawa.

Patuloy din si Les sa kanyang walang kapagurang pag-aangat sa beauty profession at mga practitioners nito.
* * *
May balak din palang mag-showbiz ng kakambal ni Richard Gutierrez na si Raymond. Matagal nang inaalok mag-artista si Raymond pero, dahil nag-aaral ito sa Amerika kung kaya hindi nito nabigyang pansin ang pag-aartista. Nitong lamang magbakasyon siya nung kapaskuhan dito at saka niya na-realize na pwede rin naman siya.

Identical twins sila ni Richard bagaman at mas mataas siya ng bahagya sa kakambal at mas maganda ang tubo ng kanyang mga ngipin. Maraming tao ang nagkamali sa kanilang dalawa nung magbakasyon sila sa Boracay. Kung mataba man siya dati ay pumayat na siya ngayon.

Samantala, may mga sexy photos si Richard na isa sa mga bagets stars ng Kuya ng Regal Films na palabas sa susunod na buwan. Ang mga larawan ay kuha ni Raymond Isaac at nagpapakita sa isa pang personalidad ni Richard. Naka-pantalon naman siya sa lahat ng larawan, wala nga lamang siyang pang-itaas. "Subok lang, gusto ko lang makita kung pwede akong sexy actor," ani Richard.

vuukle comment

ARANETA COLISEUM

ARIA PRODUCTIONS

EXPO FILIPINO

KANYANG

LES REYES

LOUIE IGNACIO

OGIE

SONGBIRD AND THE SONG WRITER

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with