Maraming Pinoy mahilig sa Podcast
Maraming Pinoy ang nahihilig ngayon sa pakikinig at panonood sa mga podcast. Isa itong uri ng programang inilalabas sa internet na maaaring mapakinggan o mapanood sa iba’t ibang digital platform gaya ng YouTube, Spotify at Facebook.
Ang salitang podcast ay nabuo noong unang bahagi ng dekada 2000 mula sa pinagsamang mga salitang “iPod” at “broadcast.” Bagaman nagsimula ito bilang audio program, marami na ngayong podcast na may video at napapanood sa internet.
Sa Pilipinas, tinatayang 17 milyong Pilipinong may edad 16 hanggang 64 ang nakikinig sa podcast linggu-linggo noong 2024, batay sa pag-aaral na “Beyond the Headphones: The Portrait of a Podcast Listener as Filipino.” Isinagawa ito ng ilang malalaking podcast network sa bansa.
Hindi naman nakapagtataka kung bakit maraming nahuhumaling dito. May mga podcast na nagpapatawa, nagbibigay ng impormasyon at tumatalakay sa mga isyung pinag-uusapan ng publiko. Madali rin itong mapakinggan o mapanood gamit ang cellphone o computer na nakakonekta sa internet kahit kailan at kahit saan.
Pero may kaakibat na pananagutan ang kalayaang ito. Balitang-balita ngayon ang isang kontrobersiyal na episode ng isang podcast na binatikos dahil sa panlalait ng mga host nito sa isang kilalang personalidad na may kapansanan. Bagaman inalis na ang episode sa internet platform na pinaglabasan nito, patuloy pa ring pinag-uusapan ang insidente at binabatikos ang mga host.
Walang masama sa pagpapatawa. Ngunit may malaking pagkakaiba ang pagpapatawa at pangungutya sa isang tao dahil sa kaniyang kapansanan. Hindi sapat na sabihing biro lamang ang lahat upang bigyang-katwiran ang mga salitang nakasasakit at nangmamaliit sa kapwa.
Dapat isaisip ng mga gumagawa ng podcast na malawak ang naaabot ng kanilang mga programa. Ang isang pahayag ay maaaring kumalat sa iba’t ibang social media platform at mapanood ng libu-libong tao. Kahit alisin pa ang orihinal na episode, nakopya at kumalat na ito sa internet.
Hindi rin nangangahulugang dapat ipagbawal ang lahat ng kontrobersiyal na talakayan o biro. May lugar ang malayang pagpapahayag at pagpuna. Ngunit hindi dapat gamitin ang kalayaang ito upang yurakan ang dignidad ng ibang tao.
Kaya habang dumarami ang mga Pinoy na nahihilig sa podcast, dapat ding maging responsable ang mga host sa kanilang mga sinasabi. Hindi lamang views, likes at subscribers ang mahalaga. Dapat ding isaalang-alang ang epekto ng kanilang mga salita sa publiko.
Hindi lahat ng nakatatawa ay katanggap-tanggap. At hindi lahat ng nakakakuha ng maraming manonood ay dapat ipagmalaki.
. . .
- Latest















