Imago (75)
SA gitna ng kadiliman, nandoon si Maya sa isang maalong dalampasigan. Ang paligid ay nakabalot sa makapal na hamog habang ang malamig na hangin ng dagat ay humahampas sa kanyang mukha. Sa kanyang tabi, nakatayo ang kambal, nakatitig sa malamig at madilim na karagatan.
Sa kalayuan, may isang malaking itim na barkong nakahinto sa gitna ng alon—ang MV Takashiro.
“Bakit ka narito?” mahinang tanong ni Maya sa kanyang kapatid.
Lumingon ang kanyang kapatid. Ang mukha nito ay banayad ngunit puno nang matinding kalungkutan. Inabot nito ang kamay ni Maya at bumulong sa gitna ng ugong ng hangin: “Huwag ka nang maghanap ng wala doon, Maya. Ang taong hinahanap mo ay matagal nang kinuha ng dagat.”
Bago pa man makasagot si Maya, dahan-dahang nawala ang anyo ng kanyang kapatid, naging bahagi ng ambon at alon.
Napabalikwas si Maya.
Napakabigat ng kanyang ulo. Ang kanyang paningin ay nakabalot sa kompletong kadiliman. Ang kanyang lalamunan ay tuyung-tuyo at may mapait na lasa pa rin sa dila. Naramdaman niya ang malamig at basag na semento sa kanyang ilalim, malayo sa malambot na upuan ng pickup.
Lumulutang ang kanyang isip habang pilit na inuunawa ang paligid.
May mababang ugong ng lumang makina at ang amoy ng asin, kalawang sa kanyang paligid. Wala na siya sa sasakyan. Inilipat siya habang walang malay, at ngayon ay nakakulong sa isang madilim at hindi kilalang kuwarto sa gitna ng lumang pantalan.
(Itutuloy)
- Latest




















