Imago (15)
“UMUWI na tayo. Ngayon din, Maya,” nanginginig ang boses ni Nelson habang nakatitig sa piraso ng papel na nakuha sa upuan. Ang kanyang dating logical thinking ay naglaho, napalitan ng takot.
Bukod kasi sa brochure ng art gallery, mayroon itong malinaw na printout ng kanilang kumpirmadong flight details pabalik ng Pilipinas, kasama ang eksaktong pangalan ng hotel na tutuluyan nila rito sa Kyoto. May pulang guhit sa ilalim ng mga pangalan nila.
Eksaktong bumagal ang tren at tumunog ang anunsyo ng pagdating sa Kyoto Station.
“Hindi tayo babalik, Nelson,” malamig na sagot ni Maya habang kinukuha ang papel upang itabi sa camera bag. Kung kanina ay natatakot siya, ngayon ay nakakaramdam siya ng tapang. May mukha na ang kalaban. mensahero man o espiya, totoong tao ang may gawa nito.
“Nasisiraan ka na ba?” hinablot ni Nelson ang braso niya nang bumukas ang mga pinto. “Alam nila kung saan tayo matutulog!”
“Kaya nga hindi tayo puwedeng tumakbo,” binitiwan ni Maya ang kamay ng kaibigan.
“Kung nahanap nila tayo rito, kahit sa Maynila ay nakaabang na sila. Mas ligtas kung hahanapin natin ang sagot habang narito tayo.”
Sumabay si Maya sa agos ng mga pasaherong bumababa sa platform. Ang naglalakihang arkitektura ng Kyoto Station ay hindi na nag-aalok ng kaligtasan; mistula itong isang higanteng hawla. Lumingon siya kay Nelson na walang nagawa kundi sumunod, takot ngunit hindi siya kayang iwan.
Nagsisimula na ang gabi sa Kyoto, at kasabay nito ang pagbuka ng mga anino ng lumang lungsod. (Itutuloy)
- Latest















