Flocerfida (353)
“HINDI kaya isang patibong lamang ang mga sinabi ni Malou, Dang?” tanong ni Kikoy.
“Gusto niyang maniwala ako para maisakatuparan ang balak niya na makuha ang mga alahas.”
“Sa palagay namin ni Ericko ay hindi Tito. Kasi, umiyak siya. At saka sabi niya, siya na raw ang nagmamakaawa para lamang ikaw makita.”
Nag-isip si Kikoy. Mukhang nagsasabi nga ng totoo si Malou. Bihira sa babae ang magpapakababa nang husto para lamang mapansin ng lalaki.
Baka nga mahal na mahal siya ni Malou.
Nang may maisip si Kikoy. Tinanong si Dang.
“Nabanggit mo ba sa kanya ang tungkol sa mga taong aali-aligid sa ating bahay noon? Yung may umakyat sa gate at nabasag ang paso na nakapatong sa pader?”
“Tinanong ko siya ukol dun. Wala raw siyang alam dun. Hindi raw niya magagawa ang ganun, Tito.”
Natahimik si Kikoy.
“Anong sasabihin ko kay Malou, Tito. Sabi ko sa kanya, malalaman niya ang sagot bukas.”
Nagbuntunghininga si Kikoy.
Maya-maya, nagpasya ito.
“Sige, sabihin mo sa kanya na payag ako. Ibigay mo ang address ko rito sa San Pablo.”
“Papupuntahin mo siya riyan, Tito?”
“Oo.” (Itutuloy)
- Latest















