Flocerfida (347)
“MAY naisip akong paraan, Dang,” bulong ni Ericko. “Malalaman natin kung talagang mahal niya si Tito Kikoy. Akong bahala…”
“Sige, Ericko,’’ sagot ni Dang.
Binalingan ni Ericko si Malou at seryosong kinausap.
“Nasa isang malayong probinsiya na si Tito Kikoy. Dun na siya naglalagi mula nang magkaloko-loko ang kanyang buhay. Nagkasakit siya at piniling sa probinsiya na lamang. Nalulong sa sugal si Tito Kikoy. Naubos ang kanyang ipon. Mahirap pa siya sa daga.
Dahil sa kahihiyan, ipinasya niyang sa probinsiya na lamang. Pinayagan na siya ni Dang dahil baka sakaling magbago ang buhay. Sabi ni Dang, baka hindi na magtagal ang buhay ni Tito Kikoy.”
Napamulagat si Malou. Hindi makapaniwala sa mga sinabi ni Ericko.
“May taning na ang buhay ni Kikoy?” tanong ni Malou.
“Oo. May kanser siya.”
Napatungo si Malou.
Makalipas ang ilang saglit ay nagsalita.
“Gusto ko siyang makita. Saan siya matatagpuan?”
“Payat na payat na siya. Baka hindi mo na makilala,” sagot ni Ericko.
“Parang awa n’yo na, gusto kong makita si Kikoy!”
At umiyak si Malou.
Itutuloy
- Latest
















